BUNSOD ng kakulangan ng ebidensya, ibinasura ng Naga City Prosecutor’s Office ang cyber libel complaint na inihain ni Mayor Nelson Legacion laban sa sinasabing supporter ni dating Vice President Leni Robredo.
Sa desisyon ni Prosecutor Ruben Almerol Jr., iginiit na walang malinaw na ebidensya na nagpapatunay na may malisya ang naging komento ni Dominga Bien Realda sa survey na isinagawa ng “Bagong Bicol” Facebook page ukol kay Legacion.
May kaugnayan ito sa pagpili sa pagitan nina Legacion at Robredo bilang alkalde ng lungsod para sa 2025 local election.
Umalma si Legacion sa komento ni Realda sa survey na nagsasabing tiwaling opisyal umano ang alkalde.
Para sa opisyal, mapanira sa kanyang pagkatao at reputasyon ang komento ni Realda kayat inihain ang reklamong cyber libel alinsunod sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ikinatwiran naman ni Realda na pinili lamang niya sa survey si Robredo at ang kanyang komento ay sagot lamang sa pahayag ng isa pang netizen.
Sa resolution, iginiit ng piskalya na dapat bukas sa mga batikos at puna ng mamamayan ang sinumang opisyal bilang bahagi ito ng kanilang trabaho.
Sinang-ayunan din naman ni City Prosecutor Ruvi Jean Villagomez – Cariño ang naging resolusyon.