CYCLING: IKA-3 GOLD KAY PRADO

TAGAYTAY CITY — Nakopo ni Jermyn Prado ang kanyang ikatlong gold medal sa PhilCycling National Championships for Road nitong Huwebes.

Kapareho ng road race (massed start) para sa Women Elite ang ruta sa 2019 Southeast Asian Games, matiyagang pumidal si Prado, 27, sa flats at hindi nagmadali bago umatake sa akyatan pabalik sa Praying Hands Monument kasama si up-and-coming Mathilda Krogg.

Namayani si Prado sa friendly competition upang kunin ang kanyang ikatlong gold medal matapos ang criterium noong Martes at ang individual time trial noong Miyerkoles.

“Like I said, I don’t stop training,” wika ni Prado, na naorasan ng three hours, 21 minutes at 23 seconds, ang kaparehong oras na naisumite ni 19-year-old Krogg na nagkasya sa silver medal sa 114-km race na nagtapos sa akyatan.

Si Prado ay dating teammate ni Krogg sa Philippine Navy-Standard Insurance team, isang indikasyon na determinado si Standard Insurance Group Chairman Judes Echauz na masustina ang isang competitive women’s team.

Gayunman ay itinanghal si Krogg na Women’s Under-23 champion, ang kanyang ikalawang gold matapos ng criterium, sa championships na co-presented ng Standard Insurance, MVP Sports Foundation and Smart at suportado ng Chooks-to-Go, San Miguel Corp., Petron, Le Tour de Filipinas-Air21-One LGC, Tagaytay City, Go For Gold, Cavite’s First District, Batangas First District, Batangas at ng Philippine National Police.

Nagwagi si Avegail Rombaon ng isa pang medalya, isang silver, makaraang tumapos bilang second-best Elite rider kasunod ni Prado. Ang ipinagmamalaki ng Bicol na pumapadyak din para sa Standard Insurance ay mabagal ng seven minutes at 33 seconds sa champion sa event na inorganisa ni PhilCycling at Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Nagkasya si Ma. Mhay-ann Lina sa bronze sa event na idinaos sa ilalim ng overcast sky na may banta ng pag-ulan. Dahil sa 80 percent probability ng thunderstorm, nagpasiya ang commissaires na i-send off ang mga siklista noong Huwebes sa anim na events sa five-minute intervals mula sa Praying Hands Monument start.

Nakopo ng teammate ni Krogg na si Kate Yasmin Velasco ang Under-23 silver medal sa oras na 3:24:40 habang nagkasya si 7-Eleven Roadbike Philippines’ Phoebe Salazar sa bronze sa 3:25:13.

Tumapos sina Angelica Mae Altamirano (1:25:15), Lyca Angel Jacobe (1:25:43) at Althea Campana (1:25:44) sa 1-2-3 sa Women’s Junior, at inokupahan nina Steven Aaron Cerezo (1:02:04), Kyle Christian Mendajao 1:02:06) at Lester de la Cruz (1:02:06) ang Men’s Youth podium.

Nasungit naman nina King Vincent Mercado (1:32:29) ang gold, Khalil Sanchez (1:32:29) ang silver at Kien Ebojo (1:32:30) ang bronze sa 74-km Men’s Junior race, habang sina Kim Syrel Bonilla (1:26:33), Vianne Angel Pagnanawon (1:26:34) at Rosalie de la Cruz (1:26:35) ang top 3 finishers sa 40-km Women’s Youth event na nauwi sa sprint finish.