D-LEAGUE: CEU SA PLAYOFFS

NAGMARTSA ang Centro Escolar University sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup playoffs makaraang maitakas ang 84-77 panalo kontra Marinerong Pilipino kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nag-init si Jerome Santos sa second half, kung saan naitala niya ang 18 sa kanyang 25 points upang tulungan ang Scorpions na makopo ang ikalawang sunod na panalo at ang isang puwesto sa playoffs.

Humablot din siya ng 9 rebounds at 2 steals.

“Beyond my expectations itong lahat. Di ko pa na-imagine sa young team namin na makapasok sa playoffs pero lahat ng ito, pinagtulung-tulungan ng players at tinrabaho nila itong lahat,” sabi ni coach Chico Manabat makaraang tapusin ng CEU ang eliminations na may 4-3 kartada.

Nag-ambag si Lenard Santiago ng 13 points, 5 boards, at 2 steals para sa CEU, habang nagtala si Ronrei Tolentino ng double-double na may 8 points at 11 rebounds, at nagdagdag si Nigerian center Victor Balogun ng 8 points, 8 boards, at 2 rejections.

Nagbuhos si Adrian Nocum ng 18 points, 7 rebounds, at 2 assists para sa Marinerong Pilipino (4-3) na naglaro na wala si Juan Gomez de Liano.

Umiskor sina Warren Bonifacio at Arvin Gamboa ng tig-13 points, habang bumuslo si Jollo Go ng 3-of-12 mula sa deep para umiskor lamang ng 12.

Iskor:
CEU (84) – Santos 25, Santiago 13, Diaz 8, Balogun 8, Tolentino 8, Ancheta 6, Ferrer 5, Borromeo 5, Bernabe 4, Malicana 2, Reyes 0, Enrile 0, Cabotaje 0.
Marinerong Pilipino (77) – Nocum 18, Bonifacio 13, Gamboa 13, Go 12, Carino 9, Garcia 5, Pido 3, Agustin 2, Bonsubre 2, Hernandez 0.
QS: 27-26, 45-38, 66-50, 84-77.