Mga laro sa Martes:
(Filoil EcoOil Centre)
2 p.m. – Perpetual vs EcoOil-DLSU
4 p.m. – Wang’s-Letran vs Marinero-San Beda
MULING nagpamalas ng katatagan ang Wang’s Basketball @27 Strikers-Letran upang makumpleto ang 93-87 come-from-behind win laban sa No. 1 Marinerong Pilipino-San Beda at lumapit sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena.
Nanguna si Kurt Reyson sa overtime na may personal 7-0 start na naging tuntungan ng Knights para makumpleto ang comeback mula sa 24 points deficit para sa 1-0 lead sa best-of-three semis series, at maiganti ang kanilang 87-90 pagkatalo sa Red Lions sa elims.
Ito ang ikalawang sunod na overtime victory ng Wang’s-Letran mula sa malaking deficit makaraang humabol sa 10 points sa regulation kontra Centro Escolar University noong Martes para umabante sa Final Four.
“Uulitin ko lang na Praise God kasi binigyan kami ulit ng pag-asa na manalo. Puro ganito ang game namin pero pasalamat kami dahil nao-overcome namin ‘yung ganitong trial, especially against a very strong team like San Beda,” wika ni coach Rensy Bajar.
“Ang sama ng simula namin. Pero ‘yung mga players namin, kumbaga sa ilang taon na, they’re born-winners. Alam nila paano maglaro sa ganitong sitwasyon. Para sa amin, depensa lang talaga.”
Samantala, kumamada si Mark Nonoy ng 22 points at dumikit ang EcoOil-La Salle sa pagkopo ng ikalawang sunod na championship appearance sa pamamagitan ng 107-78 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta.
Nakatakda ang Game 2 sa Martes.