D-LEAGUE: LETRAN SINIBAK ANG AMA ONLINE

PBA D LEAGUE

TINAMBAKAN ng Wangs Basketball @27 Strikers – Letran ang AMA Online, 71-57, upang sibakin ito sa playoff contention sa 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup nitong Martes sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.

Nagbuhos si Pao Javillonar ng 15 points at 2 rebounds sa loob lamang ng 16 minutong paglalaro para sa Knights na nalimitahan ang Titans sa pitong puntos lamang sa fourth quarter upang makalayo at hindi na lumingon pa tungo sa ikalawang sunod na panalo.

Umangat ang Letran, ang three-time defending NCAA champions, sa 2-2 at sumalo sa fourth spot sa Perpetual Help.
Sa panalo ay nanatili rin sila sa playoff hunt papasok sa homestretch ng seven-team tournament.

Kumarera ang Letran sa maagang 15-7 kalamangan subalit biglang nanlamig. Sinamantala ito ng AMA upang iposte ang 37-33 bentahe sa half time break. Umabante ang Titans sa 42-35 makaraang simulan ang second half sa 8-2 spurt, tampok ang jumper ni Reed Baclig.

Subalit humigpit ang depensa ng Knights, bumanat ng 13-2 run upang kontrolin ang laro, 48-44, papasok sa final period.

Nakakuha ng suporta si Javillonar mula kay Kevin Santos, na nagtala ng 14-point, 10-rebound double-double. Nag-ambag sina Kobe Monje at Neil Guariano ng tig-8 at gumawa si skipper Kurt Reyson ng 5 points, 7 rebounds at 5 assists.

Tumipa sina Earl Ceniza at Baclig ng 20 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Titans, na nanatiling walang panalo sa 0-5.

Iskor:
Wangs Strikers-Letran (71) – Javillonar 15, Santos 14, Guariano 8, Monje 8, Cuajao 7, Ariar 6, Reyson 5, Tolentino 4, Go 4, Laquindanum 0, Brillantes 0, Bojorcelo 0, Alarcon 0, Morales 0.

AMA (57) – Ceniza 20, Baclig 14, Alina 6, Panlilio 5, Camay 4, Del Rosario 3, Geronga 3, Peñano 2, Yamabao 0, Temporosa 0, K. Cruz 0, Ibo 0, A. Kruz 0, Cantoma 0, Fernandez 0.

QS: 20-17, 33-37, 54-50, 71-57.