D-LEAGUE: SOLO LEAD PUNTIRYA NG ALTAS

Mga laro ngayon:
(Ynares Sports Arena)
2 p.m. – AMA Online vs Perpetual
4 p.m. – EcoOil-DLSU vs PSP

TARGET ng University of Perpetual Help System Dalta ang solo lead sa pagsagupa sa debuting AMA Online, habang asam ng EcoOil-La Salle at Philippine Sports Performance na makabaawi sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena.

Magsisimula ang aksiyon sa alas-2 ng hapon kung saan sisikapin ng Altas na masundan ang kanilang mainit na debut bago ang main game sa pagitan ng reigning champion Green Archers at ng Gymers sa alas-4 ng hapon.

Dinispatsa ng Perpetual ang PSP, 93-82, noong Miyerkoles at ang panalo ngayon ay magbibigay sa NCAA side ng solo leeway sa 2-0 sa maikling single-round robin eliminations.

“Ang mindset namin ito is to win every game. ‘Yun ang goal namin kada salang namin kasi preparation namin ito for NCAA Season 99,” sabi ni coach Myk Saguiguit na ang Altas ay bumabawi matapos ang eighth-place finish noong nakaraang season.

Para makaulit at makuha ang maagang pangunguna, ang Perpetual ay sasandal sa quintet nina Arthur Roque, Carlo Ferreras, Mark Omega, Cyrus Nitura at captain Jielo Razon.

Susubok sa Altas ang Mark Herrera-mentored Titans, na atat nang bumalik sa aksiyon matapos ang week-long breather bago ang kanilang unang laro ngayong season bilang isa sa staple teams ng D-League.

Hindi pahuhuli ang EcoOil-DLSU at PSP – na nakaipit sa three-way log jam sa Marinerong Pilipino-San Beda sa 1-1 – sa kanilang crucial battle para sa solo second spot makaraang matalo sa magkahiwalay na katunggali.

“It’s about building good habits and knowing their roles. We have young players and nangangapa pa sila but we know that our veteran core will be there to support,” pahayag ni deputy mentor Gian Nazario matapos ang dikit na 92-89 loss kontra Red Lions habang lalaro ang Green Archers na wala sina Mike at Ben Phillips dahil sa kanilang Gilas Pilipinas commitments, gayundin si head coach Topex Robinson.

“Nagbi-build pa rin kami ng chemistry. Nasa adjustment period pa rin kami so kailangan tuloy lang kami sa goal na mabigyan ng chance lalo ng playing time ‘yung mga ibang players,” sabi ni Gymers coach John Paolo Lao, na sasandal kina Jayvee Dela Cruz at seasoned pro Val Acuña.