D-LEAGUE: ST. CLAIRE HUMABOL SA SEMIS

Mga laro sa Biyernes:
(Smart Araneta Coliseum)
Game 1, Best-of-3 Semifinals

9 a.m. – Marinerong Pilipino vs Apex Fuel-San Sebastian

11 a.m. – EcoOil-La Salle vs Adalem Construction-St. Clare

NALUSUTAN ng Adalem Construction-St. Clare ang late flurry ng Builders Warehouse-UST upang maitakas ang 90-87 thriller at kunin ang huling puwesto sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals kahapon sa Araneta Coliseum.

Nanguna si NAASCU MVP Johnsherick Estrada na may 20 points, 5 rebounds, at 3 assists para sa Saints na nalusutan ang matikas na pakikihamok ng Growling Tigers makaraang masayang ang 82-70 lead sa huling apat na minuto.

“Hats off to UST. I know they will play hard and they know how to win already,” sabi ni coach Jinino Manansala. “Kami naman, we just told our players that we have to perform this time.”

Ang panalo para sa third -seed Adalem-St. Clare ay nagsaayos sa duelo nito sa No. 2 EcoOil-La Salle sa best-of-three semifinals series na magsisimula sa Biyernes. t

Hindi naging madali ang panalo dahil inilapit ni Kean Baclaan ang Growling Tigers sa tatlong puntos, may 15.6 segundo ang nalalabi, at pinanatili ang UST sa laro makaraang maipuwersa ang Saints sa five-second inbound violation.

Subalit hindi pumasok ang desperation shot ni Baclaan mula sa half court na nagselyo sa panalo ng Adalem-St. Clare.

Kumana si Jolo Sumagaysay ng 14 points sa 3-of-7 shooting mula sa deep mula sa bench, habang pawang nagtala sina Joshua Fontanilla, John Rojas, at Gab Gamboa ng 12 points.

Nagbuhos si Nic Cabanero ng 19 points, 6 rebounds, 3 steals, at 2 assists upang pangunahan ang Builders Warehouse-UST.

The Scores:
Adalem-St. Clare 90 — Estrada 20, Sumagaysay 14, Fontanilla 12, Gamboa 12, Rojas 12, Ndong 10, Lopez 6, Sablan 4, Estacio 0.
Builders Warehouse-UST 87 — Cabanero 19, Baclaan 17, Concepcion 15, M. Pangilinan 13, Santos 12, Mantua 5, Manalang 4, Manaytay 2, Crisostomo 0, Herrera 0.
Quarters: 24-14, 37-35, 59-57, 90-87.