Laro ngayon:
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. – Marinero-San Beda vs EcoOil-DLSU
NAKAHANDA ang EcoOil-La Salle sa pagresbak ng Marinerong Pilipino-San Beda sa Game 2 habang sisikapin nilang matudla ang PBA D-League Aspirants’ Cup title ngayon sa Ynares Sports Arena.
Sa likod ng malakas na first-half showing, pinataob ng Green Archers ang Red Lions, 108-82, sa Finals opener noong nakaraang Huwebes upang dumikit sa ikalawang sunod na D-League title.
Nakatakda ang laro sa alas-3 ng hapon.
“It’s a best-of-three series so it does not put us anywhere,” pahayag ni EcoOil-DLSU deputy Gian Nazario, nababahala sa maaaring ipakita ng Marinero-San Beda upang ipuwersa ang deciding Game 3.
“We expect them to be back. It will boil down to the respect we have on coach Yuri (Escueta) and his team,” dagdag pa niya.
Nanalasa ang Green Archers sa three-point area na may 68-percent (11-of-16) shooting sa first half upang makalayo sa Red Lions.
Salamat din sa 27 turnover points at 27 fastbreak points, ang EcoOil-DLSU ay hindi naghabol magmula roon kung saan nagsalitan sina Mark Nonoy at Ben Phillips sa pag-iskor.
Nangako ang Marinero-San Beda na mas paghuhusayin ang simula ng laro upang magkaroon ng fighting chance na maitabla ang serye at makaiwas sa pagkakasibak.
“We’re one step behind but we know what we need to do. Sabi ko nga, even if we lose by a point or 28 points, it’s just one game. We just have to start the game better in Game 2 with more energy and effort,” sabi ni Escueta.
Pangungunahan nina Jacob Cortez, James Payosing at Peter Alfaro ang atake ng Red Lions.