NASA 3,097 magsasaka mula sa Valencia City at mga bayan ng San Fernando, Dangcagan, Damulog, Don Carlos at Kadingilan sa lalawigan ng Bukidnon ang nakatanggap ng fuel assistance na nagkakahalaga ng P9.291 million mula sa Department of Agriculture (DA) mula Mayo 20 hanggang Mayo 24.
Ayon kay DA–Regional Field Office 10 (DA-RFO 10) Executive Director Jose Apollo Y. Pacamalan, ang fuel assistance ay ipinagkaloob ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ng naturang ahensiya.
“The assistance aims to support those farmers who are engaged in mechanizing their farm operations using various agricultural machinery to overall strengthen farmers’ resilience and lessen the impact of oil price hikes on farmers’ production costs,” sabi ni Pacamalan.
Ang naturang inisyatibo ay bahagi, aniya, ng three-year plan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel na mechanization at modernization ng agriculture and fishery production systems.
Ang pangunahing layunin nito ay ang palakihin at patatagin pa ang agricultural productivity ng mga lokal na magsasaka at mangingisda. Sa pamamagitan nito ay inaasahang mapapababa ng ahensiya ang halaga ng mga pagkain at masiguro ang food security ng bansa. “This is also to make farming and fisheries a more bankable investment alternative,” ayon kay Pacamalan.
Tumanggap ng fuel discount cards ang 1,230 magsasaka sa Valencia City, 503 sa San Fernando, 742 sa Dangcagan, 110 sa Damulog, 106 sa Don Carlos, at 406 naman sa mga taga-Kadingilan.
Paliwanag ni Pacamalan, bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000 na halaga ng fuel assistance na kinabibilangan ng mga magsasakang naka-enroll sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Kabilang sa mga kondisyon upang maging benepisyaryo ay kinakailangang ang magsasaka o ang Farmers’ Cooperative, Association (FCA) na kinabibilangan nila ay nagmamay- ari ng functional o gumaganang farm machinery na naimbentaryo sa ilalim ng Agriculture and Biosystems Engineering Management Information System (ABEMIS) at sa pakikipagtulungan ng ahensiya sa Universal Storefront Services Corporation. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA