MAGLALAAN ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng P78 million para sa emergency fund ng biosecurity at quarantine operations para pahintuin ang pagkalat ng African swine fever (ASF) sa bansa.
Inaprubahan ni President Rodrigo Duterte at ng gabinete noong nakaraang linggo, ito ay para pondohan ang disease monitoring and surveillance, laboratories upgrade, capacity-building, and other disease control measures.
Pangungunahan ng National ASF Task Force ang inter-agency coordination kasama ang local government units (LGUs) at ang pribadong sektor, pahayag ni Agriculture Secretary William Dar.
Matapos matanggap ang resulta ng test na nagkukumpirma ng presensiya ng ASF sa bansa, nagtipon ang DA Crisis Management Team kasama ang lahat ng DA regional directors sa Luzon.
Nagbigay ng direktiba si Dar sa ibang DA regional directors sa Visayas at Mindanao para magsumite ng kani-kanilang disaster management plans para mapigilan ang posibleng ASF outbreak sa kanilang lugar.
Plano ng DA na magkaroon ng miting sa lahat ng bawat gobernador at ang kani-kanilang veterinary officers para talakayin ang guidelines at magpresenta ng geographic zoning plan para mag-adjust ng government response sa alinmang susulpot na sitwasyon ng ASF.
Itinalaga ang National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa on-the-ground na mabilisang pagtugon sakali mang magkaroon ng outbreak.
Nitong Lunes, kinumpirma ng DA ang ASF outbreaks sa tatlong lugar sa probinisya ng Rizal at Bulacan.