NAKIPAGTULUNGAN ang Department of Agriculture (DA) sa Food and Drug Administration (FDA) upang pabilisin ang proseso ng pag-apruba sa bakuna sa African swine fever (ASF) at Avian Influenza (AI).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing ay sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang vaccine procurement upang malabanan ang epekto ng ASF at AI.
”Isa po doon sa napag-usapan ay paano na po ma-harmonize iyong mga proseso at iyon pong mga approval process ay masigurado na iyong criteria na ginagawa ng Bureau of Animal Industry (BAI) at ng FDA ay maayos na po para mapabilis iyong pag-approve (One of the topics discussed was how to harmonize the procedure and to ensure that the criteria in the approval process used by the BAI and FDA are organized to expedite the approval),” aniya.
Tinalakay nina DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at FDA Director General Dr. Samuel Zacate noong Huwebes ang kaagad na pag-apruba sa procedures para sa bakuna, bioproducts, at veterinary products.
Pinag-usapan din nina Laurel at Zacate ang pagpapaigting sa border control sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs upang labanan ang pagpasok ng illegal food products sa bansa. Nauna rito ay hiniling ng DA sa mga vaccine supplier mula sa US at Vietnam na kumuha ng approval sa FDA.
Ayon sa DA, ang ASF vaccines ay maaaring maging available sa katapusan ng taon o sa kaagahan ng 2025.
(PNA)