ISINAMA na ng Department of Agriculture ang North Korea sa listahan ng mga bansa na ibina-ban para sa importasyon ng mga domestic at wild pigs, ganundin ang ibang pork products dahil sa report ng pagkakaroon ng kaso ng African Swine Fever (ASF) infection.
Sa isang memorandum order, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang pangsamantalang import ban ng domestic at wild pigs kabilang ang karne ng baboy, balat ng baboy at semilya mula sa Democratic People’s Republic of Korea ay para “mapigilan ang pagpasok ng ASF virus at para protektahan ang kalusugan ng local swine population.”
Ang North Korea, kasama ang Laos, ang mga huling bansa na nadagdag sa listahan ng mga nasyon kung saan ang mga produkto ng baboy ay pansamantalang ipinagbabawal dahil sa mga insidente ng ASF.
Ang pagba-ban ng produkto ng baboy mula sa North Korea ay base sa opisyal na report sa mga bansa na isinumite sa World Health Organization (WHO) na may kaso ng ASF sa Buksang cooperative farm Ri, Usi, at Changang-Do na apektado ang mga baboy na kinumpirma ng Ministry of Agriculture central veterinary station.
Sa memorandum, inorder ni Piñol ang mga sumusunod na emergency measures para mapigilan ang pagpasok ng baboy at mga produkto mula sa North Korea:
Pagba-ban ng importasyon at ng domestic at wild pigs at produkto nito, kasama ang pork meat, pig skin, at semilya;
Madaliang suspensiyon ng proseso, evaluation ng aplikasyon at pag-iisyu ng Sanitary at Phytosanitary import clearance na sakop ang mga naunang nabanggit na commodities;
Pagpapahinto at pagkumpiska ng lahat ng shipments ng mga nabanggit na commodities sa bansa ng lahat ng DA Veterinary Quarantine Officers/Inspectors sa lahat ng malalaking port.
Ayon sa World Organization for Animal Health (OIE), ang African Swine Fever ay isang malalang viral disease na nakaaapekto sa domestic at wild pigs. Habang ang mga tao ay hindi maaapektuhan ng ASF, ito ay magkakaroon ng seryosong epekto sa ekonomiya kapag ito ay kumalat sa mga hayop.
Comments are closed.