INILUNSAD ng Department of Agriculture (DA) kamakailan ang Summer Coco Festival para itaguyod ang pag-inom ng buko juice o coconut water bilang malamig at masustansiyang inumin ngayong buwan ng tag-init.
Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol na makatutulong ang Summer Coco Festival sa kita ng mga magsasaka ng niyog sa pagbibigay sa kanila ng alternatibo sa pagbebenta ng kopra, na bumagsak ang presyo kamakailan.
Idinisplay rin sa Summer Coco Festival sa harapan ng opisina ng DA Central Office ang mga mataas na klase ng produkto mula sa niyog tulad ng coconut syrup, coconut sugar, coconut chips, at coconut virgin oil, na ilan lamang sa mga produkto.
Ang ideya ng kampanya ng merkado para sa pag-inom ng tubig ng niyog o buko juice at laman ng buko ay iprinisinta ni DA-Caraga Director Abel James Monteagudo.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Monteagudo na kung ang kalahati ng populasyon ng mga Filipino na 108 milyon ay iinom ng isang baso ng tubig ng niyog isang beses sa isang linggo, ito ay katumbas ng 2.4 bilyong murang niyog na ibinebenta sa isang taon.
Ang Summer Coco Festival ay tatakbo ng dalawang araw sa harapan ng opisina ng DA.
Ito ay susundan ng isang operasyon ng bentahan sa buong Metro Manila na kasama ang mga mahihirap na pamilya, out-of-school youth, at estudyante na gustong kumita ng ekstrang kita ngayong tag-init.
Problemado ang industriya ng niyog dahil sa mababang presyo ng coconut oil sa pandaigdigang merkado na nagresulta sa pagbagsak ng presyo ng kopra, ang pangunahing produkto ng industriya ng niyog, na nagbigay pasakit sa mga maraming mahirap na magsasaka sa kabukiran.
Sinabi ni Piñol na magiging mabigat na trabaho na pag-ibayuhin ang industriya ng niyog “but if we institute reforms by using our coconut levy to establish village-level processing centers for farmers to produce high-value items rather than copra, the bleak scenario we see now in the coconut industry will change.”
“There is more to coconut than just copra and this administration will see to it that the coconut farmers today will be lifted up to the status of processors and even merchandisers of their products,” sabi niya.
Inilunsad din ng DA ang isang marketing campaign sa pagpapakilala ng coconut oil at iba pang produkto ng niyog sa bagong bukas na Eastern European market, kasama ang Russia.
Sinabi ni Piñol na pangungunahan niya ang delegasyon, kasama ang mga opisyal ng CIIF-OMG, taga-gawa ng Minola cooking oil, na lumagda sa isang marketing agreement sa mga may-ari ng isang chain ng supermarkets sa Eastern Europe. PNA
Comments are closed.