DA ISASAPINAL ANG DESISYON SA PAGTANGGAL NG BRAND NG MGA IMPORTED NA BIGAS

Pangungunahan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagpupulong sa mga retailers, traders at importers na inaasahang magaganap ngayong Ene­ro 3 upang isapinal ang balak ng ahensya na tanggalin ang label o branding ng mga imported na bigas na posibleng nagiging daan upang imanipula ng ibang trader ang  rice prices na nagpapataas nito.

Ayon kay DA Assistant Secretary and spokesman Arnel de Mesa, ibig ng Kalihim na mmi-“standardize” ang  labeling ng mga bigas upang hindi ma-shortchange ang mga consumer at malinlang ng mga mapagsamantalang rice traders.

Inaasahan ng ahensya na maipapatupad ang nasabing hakbang matapos ang nasabing pagpupulong upang makagawa na ng mga panuntunan hinggil dito.

Ayon kay de Mesa, duda nila ay talagang may pang- aabusong nagaganap upang lituhin ang mga mamimili sa premium na imported rice upang mapataas ang presyo ng mga ito bagamat posibleng mababa talaga ang landing price ng mga ito.

Ang naturang hakbang ay binalak isagawa ng DA matapos mabuko ng DA sa pangunguna ni Tiu Laurel at mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isang inspection sa pamilihan sa Makati kamakailan na ang bigas na nagkakahalaga ng mahigit P40 lamang ay ibinebenta ng P60 kada kilo. Natukoy anyang premium rice ang branding ng  naturang imported na bigas upang maibenta sa mas mataas na halaga.

“He discovered, du­ring the inspection of a particular imported rice he is very familiar with, that the landed cost of the imported rice is only P40 per kilo but it is sold in the market for more than P60 per kilo. The profit margin is so big,” sabi ni de Mesa.

Sa naunang konsultasyon ng DA sa mga stakeholders, napagkasunduan umano na ipapako lamang sa P6 hanggang P8 kada kilo ang ipapatong sa mga landed cost ng mga imported na bigas.Dapat anya ay ibase na lamang ang presyo ng bigas sa degree ng brokenness nito.

“If it’s (landed cost) P40 (per kilo), the retail price should only be P48, so one of the solutions is to remove the branding on premium and special rice… It’s five percent for premium. There are also 15 percent, 25 percent and 100 percent broken, but when sold in the market, it is not being treated as 100 percent broken and instead (it is being treated) by the brand. Traders usually label the rice as premium and special,” sabi ni de Mesa sa panayam sa media.

Giit ni De Mesa dati naman  nakatuon lamang sa regular at well-milled rice na mga degree ng brokenness nito ang pinagpipilian ng mga mamimili na mas di hamak na mura ang halaga.

Muling pinaalala ni De Mesa na hindi kabilang sa hakbang na ito ang mga locally-produced rice  upang maprotektahan ang mga Filipinong magsasaka at traders.

Kamakailan lamang ay nagpahayag ng pangamba si Farmers’ group Federation of Free Farmers (FFF) national manager Raul Montemayor na ang hakbang na ito ay posibleng magdulot ng kalituhan sa mga mamimili. Paano anya malalaman ng mga consumer ang uri ng bigas na kanilang bibilhin kung tatanggalin ang branding tulad ng sinandoneng, Jasmine, at iba pa. Naghaha­nap lamang anya ng masisisi ang ahensya sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas samantalang madali lamang tukuyin kung sino ang nagtataas ng presyo sa pagitan ng importers, traders at retailers sa pamamagitan ng mga resibo na magpapatunay ng mga presyo ng pagkabili nila  at kung magkano ang lumalabas na ipinatong nila.

Ma. Luisa Garcia