DA KINILALA ANG KONTRIBUSYON NG ATTACHÉS SA IBA’T IBANG PANIG NG MUNDO SA PAGPAPALAKAS NG PH AGRI EXPORTS

BINIGYANG pagkilala ng Department of Agriculture (DA) ang maha­lagang papel na ginampanan ng mga attaché ng ahensiya sa iba’t ibang panig ng mundo upang makapag- export ng ilang produktong pang-agrikultura ng Pilipinas at makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

“The Department of Agriculture has marked a series of significant achievements in 2024 with the help of agricultural attaches stationed around the world. These accomplishments have bolstered the Philippines’ agricultural exports, fostered new international partnerships, and opened up new opportunities for local farmers and fisher­folks, investors, and businesses,” ang sabi ng DA sa isang statement kahapon.

Ayon sa ahensiya, hindi matatawaran ang naging kontribusyon sa ekonomiya ng exportation ng mga produktong pang-agrikultura ng bansa na nakapagpasok ng bilyon-bilyong halaga ng kita.

“These milestones, which secured tens of billions of pesos in export sales, would support our farm and fishery sector and at least help narrow our agricultural trade deficit. Our attaches also strengthened bilateral and multilateral relations, bene­fiting millions of Filipino farmers and fisherfolk,”  ani  Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

Sa Thailand, si DA attaché Annalyn Lopez ay gumanap ng mahalagang papel sa pagkakaroon ng market access para sa apat na Philippine fishery establishments upang mag-export sa Vietnam. Tumulong din siya sa market expansion ng Philippine durian sa Malaysia at sa partisipasyon ng bansa sa prestihiyosong Thaifex ANUGA 2024 trade show, kung saan nakapagbenta ito ng P1.5 billion na produkto, at may P3.5 billion na karagdagang potential sales.

Si Lopez ay naging instrumento rin sa pag­lagda ng dalawang Memoranda of Understanding sa Vietnam at sa Letter of Intent sa Brunei para sa isang bilateral agricultural relations.

Sa China naman, sinabi ni Tiu Laurel na si DA Counsellor Jerome Bunyi ay naging daan para sa matagumpay na partisipasyon ng basa sa China International Import Expo, kung saan kabilang ito sa 17 exhibitors na nakapag-uwi ng tinatayang USD1.6 billion na benta at sales pledges. Naging in demand din ang mga Filipino product tulad ng saging, durian, pinya, at niyog.

Iniulat naman ang mga nagawa ni DA attaché Nolet Fulgencio na nakabase sa Belgium, partikular ang pagpasok sa merkado ng European Union noong 2023 ng  pili nuts ng Pilipinas, at pakikipagtulungan sa BFAR para maisama  ang pag-export ng Philippine sardine species sa EU.

Inorganisa din niya ang  mga pangunahing pulong upang ma-update ang mga stakeholder at DA officials sa mga regu­lasyon ng EU para sa patuloy na pagsusulong ng mga produktong pang-agrikultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng partisipasyon sa local fairs at exhibitions.

Naging mahalaga naman ang  papel ng  DA attaché sa Dubai para iugnay ang Philippine exporters sa  mga mamimili ng UAE at Saudi Arabia, at  makipagtambalan sa DA AMAS sa AgraME 2023, na nagresulta sa P10.3 million na kita at dagdag na  P84.97 million na negotiated deals. Tumulong din ang attaché na maresolba ang mga balakid sa regulasyon upang maipagpatuloy ang  pagluluwas ng saging  sa Qatar bilang pangunahing  trade partner.

Sa Switzerland, itinaguyod ni DA attaché Marlito Cabunos ang mas malaking kaluwagan sa mga papaunlad na bansa  sa  Ministerial Conference ng World Trade Organization. Dahil sa kanyang pagsisikap ay naibalik ang interes sa mga produkto ng Pilipinas sa European markets, partikular ang pag-export ng mangga mula sa Guimaras at artisanal fisheries.

Samantala, isinulong ni DA attaché Dr. Josyline Javelosa, na siya ring Deputy Permanent Representative ng Food and Agriculture Organization ng United Nations na naka-base sa Rome, ang multilateral at bilateral support para sa mga prayoridad sa Philippine agrifood systems. Kasama siya sa nanguna sa pagbalangkas ng Action Plan for Uptake of Policy Products ng  Un Commitee on World Food Security (CFS), na inendorso sa 52nd session  noong October 2024.

Ang tungkulin nito  sa pagsusulong ng mga oportunidad para sa Philippine agrifood systems ay  isinama sa Hand-in-Hand Investment Proposal ng DA na iprinisinta sa ginanap na World Food Forum  sa Rome noong  Oktubre, at nakipag-ugnayan sa  matataas na pulong  sa pagitan ng DA Secretary at ng Italian Minister of Agriculture, Food and Forestry Policies upang masimulan ang technical cooperation para sa agrcultural mechanization at mapataas ang market access ng Philippine agrifood products.

Upang maisulong ang mas malawakang pagkakilanlan at pangangailangan sa mga produktong pagkain ng Pilipinas sa Italy,  tumulong siya sa pag-organisa ng mga aktibidad tulad ng paglulunsad ng “Filipino Restaurants in Rome Guide” at “We Cook Filipino” na libro.

Sa South Korea, naging instrumento naman si DA attaché Lev Nikko Macalintal sa pagtatatag ng Korea Agricultural Machinery Industrial Complex sa Cabanatuan, na layuning mapalakas ang produksyion ng lokal na agrikultura. Pinangasiwaan nito ang P297.27 million na kita sa Seoul Food 2024 at  mga potensiyal na  MOUs sa South Korea Ministry of Agriculture at Ministry of the  Interior and Safety.

Sa Tokyo, nagtagumpay rin si attaché Maria Alilia Maghirang na maipasok sa market access ng Japan  ang mga sariwang Philippine hash avocados at inayos ang mga munting isyu sa pagpasok sa merkado ng sa­ging, pinya at mangga.

Pinangunahan niya ang pinaigting na promosyon sa Philippine agrifood activities, kabilang na rito ang FOODEX Japan 2024 at ang  International Seafood Show Tokyo 2024, na nakapagpasok ng P361 million na kita. Pinalakas din ni Maghirang ang ugnayang bilateral sa agrikultura sa pamamagitan ng bagong ODA at technical coope­ration projects para sa departamento habang pinananatili ang malusog na Philippine Agrifisheries na kalakalan sa Japan na nagkakahalaga ng US1 billion.

Sa Estados Unidos naman ay trinabaho ni DA Agricultural Counsellor Lupiño Lazaro ang iba’t-ibang polisiya at trade forums  tulad ng Philippines-US  Food Security Dialogue (FSD) at Trade  and Investment Agreement (TIFA) at tumulong na mapasok sa merkado ang  mga produktong gaya ng  shrimp paste,  pinya, at mangga.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia