KINUMPIRMA ng Department of Agriculture sa Davao Region (DA-11) kamakailan na dalawa sa apat na barangay sa Davao del Sur ang nasa ilalim ng mahigpit na pagbabantay laban sa African Swine Fever (ASF) na nakitang positibo sa animal disease.
Ini-report ni Engineer Ricardo Oñate Jr., DA-11 director, kay Davao del Sur Governor Douglas Cagas ang unang kaso ng ASF sa probinsiya matapos na makuhanan ng blood samples ang mga baboy mula sa Barangay Palili, at Barangay Laperas, parehong nasa bayan ng Sulop.
Nauna rito, nagpatupad ang provincial veterinary office ng lockdown sa Barangay Solongvale, Palili, at Laperas sa Sulop, at sa Barangay Aplaya sa bayan ng Hagonoy.
Sinabi ni Dr. Russel Celis, ang provincial veterinarian, agad silang nag-lockdown sa apektadong barangay bago pa lamang malaman ang resulta ng blood samples.
Inudyukan ni Celis ang komunidad na manatiling kalmado dahil ginagawa ng provincial government ang lahat ng kinakailangang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga katabing barangay.
Sinabi ni Oñate na humingi siya ng tulong kay Cagas sa pagtatayo ng dagdag na quarantine stations sa nasabing barangay para hindi na kumalat at tumaas ang sakit sa ibang lugar.
Siniguro naman ni Cagas si Oñate ng kooperasyon ng provincial government para makatulong sa pagpapatupad ng anti-ASF protocols.
“The way I see it, the ASF in Davao del Sur is spreading very slow. This is because we immediately take actions after receiving information that there was a threat of ASF in the area. This is unlike what happened to Davao Occidental that they failed to initiate actions after knowing the first ASF cases,” sabi ni Cagas noong miting kay Oñate.
Nagpahayag din si Cagas ng kanyang alalahanin sa nangyari sa commercial hog raisers sa Davao Occidental at Davao del Sur, kasama kung paano papalitan ng DA ang naging lugi ng mga magsasaka kung ang kanilang mga baboy ay nahawahan ng ASF.
Nag-alok na ang DA ng PHP5,000 bawat ulo sa hog raisers na ang baboy ay naihiwalay at pinatay.
Sinabi ni Oñate na ang backyard hog raisers lamang ang madaling kapitan ng sakit dahil wala silang biosecurity measures sa kanilang lugar at sila ang nabibigyan ng mga tirang pagkain.
Taliwas naman ito ayon sa kanya sa commercial hog raisers ang may biosecurity measures para mapigilan ang pagpasok ng kahit anong sakit sa loob ng kani-kanilang sakahan.
Inudyukan ng DA ang backyard raisers na huwag bigyan ng mga tirang pagkain ang kanilang mga alagang baboy na siyang nalalamang dahilan ng pagkalat ng sakit na ASF. PNA
Comments are closed.