UMAASA si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mas bubuti pa ang performance ng ahensiya ngayong taon, lalo na’t may mga idinadagdag na kapangyarihan sa pamunuan nito at gumaganda na rin ang kondisyon ng panahon na paborable sa sektor ng agrikultura.
Pinuri ni Tiu Laurel ang lahat ng kawani ng kagawaran para sa matagumpay na paggampan sa kanilang mga tungkulin sa gitna ng lahat ng kinaharap na mga hamon ng sektor ng agrikultura noong nakalipas na taon, lalo na sa.mga dumaang sama ng panahon at mga suliranin sa merkado
Subalit bagama’t maganda, aniya, ang naging performance ng mga kawani noong 2024 at sa karagdagang kapangyarihan na ibinigay ng Kongreso sa Kalihim at sa kagawaran, binigyang-diin niya na napakalaking bagay ang buong suportang ibinibigay ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pamamahala. “The expected improvement in weather conditions, and the learnings from 2024, there are ‘no excuses’ for the DA not to do better this year,” sabi ni Tiu Laurel.
“Ngayong alam na natin ang gagawin natin until 2028, we are now going for growth and productivity. Katatapos lamang ng 2024, mahirap man, pero nalampasan natin ang mga epekto ng El Niño at La Niña. Patuloy rin nating ginagawan ng solusyon ang mataas na presyo ng bigas at mga sakit sa hayop gaya ng African Swine Fever at Avian Influenza. Ang mga aral sa nakaraang taon ang magsisilbing gabay natin upang mas mahusay nating harapin ang hamon ng bagong taon,” sabi ni Tiu Laurel sa kanyang mensahe sa kanilang flag ceremony.
“Naniniwala ako na kakayanin nating lahat na gampanan ang tungkulin na naiatas sa atin. Sama-sama, wala akong duda na matutupad natin ang pangako ng isang Masaganang Bagong Pilipinas,” pagtatapos ng Kalihim. Ma.Luisa Macabuhay- Garcia