DA MAGTATAKDA RIN NG SRP SA AGRICULTURE PRODUCTS

Assistant Secretary Noel Reyes

NAKATAKDANG magpatupad ang Department of Agriculture (DA) ng suggested retail prices (SRP) para sa mga produktong agrikultura sa susunod na linggo.

Sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes na nagtanong na si Agriculture Secretary William Dar ng inputs mula sa mga sangay ng departamento.

Nag-anunsiyo si Reyes matapos na makatanggap ang DA ng report na ang presyo ng manok at isda ay nananatiling mataas.

“Presyo ng manok, isda, hindi pa rin bumababa. Dapat bumaba na ‘yan sa pre-Christmas level. Mataas pa rin so marami pong nagsasamantala. Kaya naman kami, mag-iimpose ng SRP,” pahayag ni Reyes.

Sinabi ni Reyes na sinabi rin ni Finance Secretary Carlos Dominguez kay Secretary Dar at 1% ng 2.9% inflation rate para sa Enero ay iniuugnay sa presyo ng pagkain.

Binigyang-diin ni Reyes bilang ehemplo ang tilapia na pinalalago sa Taal Lake sa Batangas. Ang halaga ng produksiyon ay nasa P65 hanggang P80 per kilo at dapat maibenta sa merkado ng P100 hanggang  P120 per kilo. Pero sa ilang merkado ibinebenta ito sa halagang P140 hanggang P160 bawat kilo.

Sinabi rin ni Reyes na ang presyo ng isda ay inaasahang bumalik agad sa normal.

“Off-season po ngayon ng mga iba pang major fishing grounds ng Filipinas. So sa mid-February, mali-lift na ‘yan o end of February. So ok na naman. Babalik na naman po sa normal,” ani Reyes.

Ang manok naman sa kabilang banda, ay nagkakahalaga lamang ng P75 hanggang P90 bawat kilo at sa farmgate at dapat na maibenta sa P150 bawat kilo. Pero sa ibang merkado, ibinebenta ito sa halagang P160 hanggang P180 bawat kilo.

“Malinaw na malaki ang patong along the way ng mga traders at retailers hanggang sa merkado,” sabi ni Reyes.

“Hindi mo naman maikukulong. Ipasasara mo lang ‘yung establishment. Kasi hindi mo bibigyan ng permit. Ang mayroong poder noon, ‘yung local government unit. Ang DA, magbibigay ng technical advise. Bibigyan natin ng warning. ‘Pag hindi niya bi­naba, saka natin ire-recommend na ‘wag n’yo na i-renew ‘yung permit,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Reyes na ang takot sa African swine fever ay maaa­ring isa sa mga dahilan sa mataas na presyo ng baka at manok.

Sa huling report mula sa DA ipinakita na ang ASF virus ay kumalat na sa Davao Occidental, Davao del Sur, Davao City, Koronadal City, Kalinga at Benguet.

Sinabi rin ni Reyes na ang mga imbestigador at veterinarians ay may suspetsa na ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng undeclared processed pork products, paglipat ng infected hogs at swill feeding.

“Na-contain naman agad para hindi na kumalat,” paniniguro ni Reyes.

Pinaalalahanan din ni Reyes ang hog raisers at traders na nagbebenta ng infected at double dead hogs ay isang paglabag sa Animal Welfare Act.

Comments are closed.