(DA nag-inspeksiyon sa supermarkets) MAY MURA PA RING BABOY

livestock

NAGSAGAWA kahapon ng inspeksiyon ang Department of Agriculture (DA) sa tatlong supermarkets sa Quezon City upang tiyakin ang availability ng ligtas at abot-kayang halaga ng karne.

Sa isang ambush interview, sinabi ni DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano na ipinakita ng supermarket visit na may opsyon ang publiko sa gitna ng pagsipa ng presyo ng baboy sa  local markets, ang pinakamataas ay umabot sa P420 kada kilo para sa liempo (pork belly).

“Proven, nakita natin. Namasyal tayo. Tatlong supermarket iyong pinuntahan natin and available, affordable, tsaka accessible iyong ganito,” aniya, patungkol sa local at imported meat na ibinebenta sa Waltermart Muñoz branch, SM North hypermarket, at SM supermarket.

Sa tatlong supermarkets, ang pinakamababang presyo ay P345 kada kilo ng liempo, P263 kada kilo ng pork kasim, at P160 kada kilo ng manok.

Sa hiwalay na panayam ay kinumpirma ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa ang pagtaas sa farmgate price ng baboy dahil sa patuloy na banta ng African swine fever (ASF).

“Tumaas iyong farmgate ng baboy. Supposed to be nasa mga P210 per kg. Nakaka-receive tayo ng P215, P220, may P225 per kg.,” aniya.

Gayunman ay sinabi niya na hindi ito dapat umabot sa P420 kada kilo sa mga palengke.

“Iyong kasim, dapat nasa P320, P340 and iyong liempo dapat nasa P380 ang presyo. So iyong nagbebenta ng P420 medyo mahal talaga iyon,” ani De Mesa.              (PNA)