DA NAGTALA NG P500-M PINSALA SA AGRI DULOT NG EL NIÑO

El Niño-4

AGAD nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na mababa pang maituturing ang kabuuang pinsala na idinudulot ngayon ng El Niño sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, isang porsiyento lang ng kabuuang sektor ang katumbas ng halos P500-milyong halaga ng palay at mais na pinsalang kaakibat ng pagsisimula ng panahon ng tagtuyot.

Napag-alamang nasa higit 16,000 magsasaka naman ang apektado nito kung saan kabilang sa mga lugar na pinaka-pasanin ang kalbaryo ng El Niño ang Mimaropa, Northern Min­danao, Davao Region, Socsargen, Bangsamoro Region at Zamboanga Peninsula.

Sa ngayon, target daw ng DA na samantalahin ang forecast ng PAGASA na maulap na kalangitan sa Northern Luzon at Metro Manila para isabay ang cloud seeding operations.

“PAGASA reported at 4 a.m.  this day that Northern Luzon and Metro Manila will have cloudy skies today while there will be isolated light rains in Isabela and Aurora. This could be a good day to undertake cloud-seeding operations,” saad ni Piñol.

Nabatid na simula bukas, March 14 hanggang May 21 ang itinakdang schedule ng cloud seeding, kung saan gagamitin ang higit P18-mil­yong inilaan na pondo.

Bukod dito, naiposisyon na rin ng kagawaran ang kanilang pump at engine sets para sa distribusyon ng tubig sa mga natuyong taniman.

Nauna ng tiniyak ng DA ang agarang release ng ayuda sa mga apektadong magsasaka gayundin ang loan ng mga magnanais kumuha nito.

Pinayuhan din ng kagawaran ang bawat magsasaka na sulitin ang natitira nilang tubig sa irigasyon para makapagtanim ng ilan pang rootcrops, niyog at pakwan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.