PINAGRE-RESIGN ng minorya sa Kamara ang mga matataas na opisyal ng Department of Agriculture at attached agencies nito.
Sina DA Sec. Manny Piñol, NFA Administrator Jason Aquino at mga opisyal ng NFA Council at iba pang attached agencies ng ahensiya ay pinagbibitiw sa puwesto bunsod ng problema sa bigas.
Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, kung hindi kayang mapanindigan ng mga opisyal na ito na solusyunan ang problema sa pagkain sa bansa ay dapat na bitawan na ng mga ito ang kanilang tungkulin.
Iginiit ni Atienza na makabubuting ibigay na lamang ang posisyon sa iba na kayang pangasiwaan at solusyunan ang food shortage sa bansa.
Dagdag pa ng kongresista, hindi magtatagal ay hindi na ang mga terorista at rebelde ang banta sa bansa kundi ang kakulangan sa suplay ng pagkain.
Samantala, umalma naman sina Minority Leader Danilo Suarez at AKO Bicol Rep. Alfredo Garbin sa pahayag ni Piñol na i-legalize ang smuggling sa bigas at ayos lamang at masustansiya naman ang pagkain ng bukbok na bigas.
Anila, malinaw na pananabotahe ito sa ekonomiya ng bansa dahil papayagan na ang pagpasok ng mga ilegal na produkto.
Iginiit naman ni Atienza na dapat humingi ng paumanhin si Piñol sa mga pahayag nito na hindi katanggap-tanggap para sa mga Filipino. CONDE BATAC