Pinag-aaralan na rin ng Department of Agriculture (DA) kung maaaring gumamit ng bakuna para naman sa mga inahing baboy mula sa Thailand upang makapagpadami ng populasyon ng mga alagang baboy sapagkat ang bakunang gamit sa roll out ngayon mula sa Vietnam ay para sa mga palakihin (growers) o biik lamang.
“Inaayos ko ring mabuti na magkaroon ng bakuna na puwedeng gamitin sa inahin. Kasi itong sa Vietnam ay gagamitin lamang sa palakihin. Importante para sustainable yung inahin.Yung inahin maglalabas ng sampung biik. Mapaparami natin ang ating population kung magamit namin itong bakuna namin na tinitingnan at ineeksamen na pwedeng gamitin sa inahin. Ang private na may koneksyon sa University of Thailand,” ang sabi ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Dante Palabrica sa isang radio interview.
“Sa Thailand na siyang magpo-produce ng bakunang ito matagal nang ginamit yan sa Thailand at tinest na rin ito dito sa Pilipinas two years ago, 2022. Nagpakita ito ng magandang anti body na panlaban.To be very technical about it, ang importante yung tinatawag na self mediated immunity.Medyo technical yun, pero ang anti body kailangan din para dito sa ASF.Mahirap ibakuna yung sa Vietnam sa inahin sapagkat ito ay inaprubahan lamang para gamitin sa grower. At puwede ito gamitin sa inhain.Wala yun sa rules o medication program itong bakunang ito,” sabi ni Palabrica.
Samantala, bilang tugon naman sa kahilingan ng ilang magbababoy kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos na aprubahan na ang emergency use authorization (EUA) ng bakuna mula Vietnam upang maging malawakan na ang paggamit nito sa iba’t ibang panig ng bansa, sinabi ni Palabrica na ang mas posible pa ay maging regional na lamang ang pagdedeklara nito sapagkat hindi naman aniya lahat ng baboy sa Pilipinas ay apektado ng sakit na African Swine Fever (ASF).
“Ang nakikita naming imbes na national emergency ay regional na lang.Sapagkat, hindi naman buong Pilipinas ay may problema sa ASF”, ang sabi ni Palabrica.
Sa isang liham sa pangulo na idinaan sa DA, ang ilang grupo ng hog raisers ay nanawagan na magdeklara na ng national emergency upang maging malawakan na ang paggamit ng bakuna kontra sa African Swine Fever (ASF) at upang masagip pa ang 6. 3 milyon na biik at fatteners sa bansa at makabangon ang swine industry lalo pa at papasok na ang Pasko kung kailan ay inaasahang maging malakas ang bentahan ng karne ng baboy.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia