(DA pinakikilos ng senador) BIGAS KAKAPUSIN

BIGAS

DAHIL kapos ng 18 araw ang imbentaryo sa bigas ng Department  of Agriculture  (DA), kailangang gumawa  ng paraan para mapunan ito sa gitna na rin ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine dulot ng coronavirus 2019  (COVID-19), ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ani Gatchalian, kulang na ang bigas sa tatlong buwang  imbentaryo kung saan dapat ay umaabot ito sa 2,968,875 MT subalit sa ulat ng   Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 2,375,500 MT na lamang ito o may kakulangan na 593,875 MT.

Sinabi pa ni Gatchalian na inaasahang maaapektuhan ang plano ng pamahalaan na umangkat ng  300,000 MT bigas dahil na rin sa desisyon ng  Vietnam na magbawas  ng rice export, gayundin ang Thailand at Myanmar  bunga ng COVID-19.

“Ang tanong dito ay kailan darating ang karagdagang supply ng bigas dahil ngayon pa lang ay nagkakaubusan na ng stock sa mga pamilihan. Ngayong nasa gitna tayo ng isang krisis, ang isa sa pinakaimportanteng magagawa ng ating gobyerno ay siguruhin na may sapat sa hapag kainan ng bawat pamilyang Filipino. Pero sa nakikita natin ay mayroon nang nangyayaring rice shortage,”  ayon pa kay Gatchalian. VICKY CERVALES

Comments are closed.