MAKIKIPAGPULONG ang Department of Agriculture (DA) sa mga lider ng malalaking retail markets sa Metro Manila sa susunod na linggo upang puksain ang posibleng profiteering sa imported na bigas.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipinag-utos niya na ang presyo ng well-milled rice sa merkado ay hindi dapat lumagpas sa P50 kada kilo dahil ang taripa sa imported na bigas ay ibinaba sa 15 percent mula 35 percent epektibo noong Hulyo.
Ayon kay Tiu Laurel, sinasabi ng mga importer na ibinebenta nila ang wholesale rice sa P38 kada kilo na dapat magbaba sa retail price sa P45 kada kilo.
Sa ulat na nakarating sa DA, ang ilang retailers ay ibinebenta ang bigas sa P52 hanggang P53 kada kilo.
“So, kakausapin namin sila. Sasabihin namin na dapat, kung medyo nagpo-profiteer kayo, gagalaw na kami under the Price Act or we will put a Kadiwa katabi nila,” sabi ni Tiu Laurel.
Sa ilalim ng Price Act, ang mga lalabag ay maaaring maharap sa kasong illegal price manipulation practices, kabilang ang profiteering, hoarding, at cartels.
“We will get to the bottom of this. Millions of Filipino consumers must not suffer from the greed of the few,” aniya.
Bukod sa konsultasyon sa market heads, ang Agribusiness and Marketing Assistance Service ay magsasagawa rin ng random inspections sa public markets. MA. LUISA MACABUHAY- GARCIA