HINIKAYAT ng Department of Agriculture (DA) ang mga mamimili na tangkilikin ang mga bagong aning gulay mula sa mga magsasaka sa Benguet.
Mabibili na kasi ang murang wombok o pechay Baguio sa ADC Kadiwa Store na matatagpuan sa tanggapan ng DA sa Quezon City.
Ayon sa DA-AMAS, isang trak ng pechay Baguio ang ibinaba sa ADC mula sa mga magsasaka sa Benguet. Mabibili ang mga ito sa halagang ₱20 kada kilo, na malayo sa presyo sa ilang palengke sa Metro Manila na naglalaro sa ₱40-₱80.
Una nang sinabi ng DA na gumagawa na ito ng hakbang para matugunan ang over production ng gulay gaya ng repolyo sa ilang lalawigan, kasama rito ang market linkage. Maging ang DA-CAR ay kumikilos na rin para maibenta ng mga magsasaka sa Benguet ang kanilang mga gulay gaya ng repolyo. Hanggang January 9 ay nasa 29.4 metriko tonelada na rin ng repolyo ang naibenta nito at naihatid sa iba’t ibang lalawigan.
EVELYN GARCIA