INATASAN ng Department of Agriculture (DA) na itama ang pinaniniwalaang maling pagpatay sa mga alagaing baboy na naapektuhan ng hindi pa matukoy na sakit sa isang lugar sa Antipolo, Rizal.
Ayon kay DA Secretary William Dar, pinagsabihan na nito ang mga tauhan sa ground zero command na mahigpit na sundin ang wastong protocol at mga alituntunin na itinatadhana ng batas alinsunod sa Animal Welfare Act sa pagde-populate sa mga baboy na umano’y nagkasakit.
Ito ay kasunod ng reklamo ng ilang residente sa Barangay Cupang, Antipolo hinggil sa paraan ng pagpatay sa mga baboy na hinihinalang nagkasakit na isinako at inilibing ng buhay at saka tinabunan ng lupa gamit ang backhoe.
Bukod pa rito, ipinag-utos na rin ng opisyal na muling paigtingin ang quarantine operations sa mga lugar kung saan may mga napaulat na mga baboy na namatay dahil sa hindi pa matukoy na sakit na nakaapekto sa mga ito.
Siniguro naman nito na may tulong o ayuda na ibibigay ang kagawaran sa mga nawalan ng mga alagang baboy kung saan may makukuhang P3,000 cash assistance ang backyard raisers na maaapektuhan at kapag napuksa ang virus sa lugar ay bibigyan din ang mga ito ng mga bagong biik bilang pagsisimula muli ng kanilang negosyo. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.