DA SA PUBLIKO: HUWAG BUMILI NG TIRANG PAGKAIN MULA SA HOTEL AT AIRLINES

leftover food-2

NAGBABALA ang Department of Agriculture kamakailan sa publiko na huwag bumili ng mga tirang pagkain galing sa mga hotel at airlines para maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Malamang na dumaan ang ASF virus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa sources ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Napakaganda ang report na ‘yan kasi it validates ‘yung sabi-sabi noong araw. At wala kaming pruweba noon,” pahayag ni Agriculture spokesperson Noel Reyes.

Binalewala naman ni Reyes ang posibilidad na ang ASF ay nangga­ling sa domestic sources.

“Walang ASF sa buong Filipinas. Hindi endemic ‘yan sa atin. Ibig sabihin, galing ‘yan sa countries na may ASF na,” pagdidiin ni Reyes.

Ang ASF outbreak sa piling lugar sa bansa ay may minimal impact lamang sa hog industry ng bansa, pero nananati­ling nasa peligro ang Fi­lipinas dahil sa pagpasok dito ng pork meat products, ayon sa mga pribadong sektor.

Mababa sa 1% ng hog industry ang apektado ng ASF sa kasalikuyan ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Napansin ni Reyes na ang China, Europe, Central America, at Kenya sa Africa ang posibleng pinanggalingan ng ASF virus.

May ilang mga negosyante na nakakuha ng mga tirang pagkain kasama ang karne ng baboy at pork products mula sa mga hotel at airlines at ibinebenta nila ito sa mababang presyo na P15 per bag, ani Reyes.

“Sinusunog ‘yan dapat. Hindi na pinagkakakitaan.”

Ayon sa huling report ng World Organisation for Animal Health (OIE), ipinakita na  97% na ang pagkalugi sa Asia dahil sa ASF na nairekord sa Filipinas. Ang report ay sumasakop sa dalawang linggo mula Agosto 30 hanggang Setyembre 12.

Ang pagkalugi ay kinalkula ng OIE bilang kabuuan ng mga namatay at culled animals mula sa apektadong sakahan o backyard premises ng nai-report na outbreak.

Ayon sa OIE na ang pagkalugi ay naisiwalat sa pamamagitan ng World Animal Health Information System (WAHIS).

Nanawagan ang Agriculture department para sa mas mahigpit na implementasyon ng Solid Waste Management Act sa pagtugon sa food waste, gayundin sa Animal Welfare Act para sa tamang pagtatapon ng mga namatay na baboy.

Ang lalabag sa Solid Waste Management Act ay pagmumultahin ng P300 hanggang P1,000 o kinakailangan na mag-render ng community service mula isa hanggang  15 araw.

Ang lalabag sa Animal Welfare Act, sa kabilang banda, ay mahaharap sa pagkakabilanggo ng anim na buwan hangganga dalawang taon at multa na P1,000 hanggang P5,000.

Comments are closed.