DA TATANGGALIN ANG EXPORT BAN SA NIYOG

niyog

PINAG-IISIPAN ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na tanggalin ang export ban sa niyog, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kamakailan.

Inanunsiyo ng opisyal noong araw na kinumpirma niya na ang China ay interesado sa pagkuha ng niyog dito sa bansa.

Umaangkat ang coconut milk-producing Hainan province ng China ng 200 million niyog mula sa Vietnam, Thailand at India, at tinitingnan nila ang pagbili pa ng marami sa Filipinas, ang pangatlong pinakamalaking coconut producer sa mundo, sabi ni Piñol.

“The Province of Hainan of the People’s Republic of China yesterday expressed interest in buying coconuts should the Philippine government lift the ban on the export of the unprocessed mature nuts,” sabi niya.

“A good price offered for whole coconuts could heighten the interest to work on the lifting of the export ban,” dagdag pa niya na hindi binanggit kung magkano ang ibabayad ng Hainan para sa Philippine coconuts.

Ipinagbawal ng batas noong 1985 ang pag-e-export ng  matured coconuts at coconut seedlings para maprotektahan ang local coconut industry.

Inaprubahan ng Governing Board of the Philippine Coconut Authority (PCA) ang isang resolusyon na hinihimok ang DA na alisin ang ban sa fresh coconut exports noong November 8, isang araw bago isapubliko ni Piñol ang alok ng China na kumuha ng niyog dito sa bansa.

Inirekomenda rin ng PCA Board ang pagtanggal ng ban “to correct the depressed market price for copra which has sank to P15 per kilo from a high of about P50 two years ago,” sabi ni Piñol.

Nagpasa rin ng resolusyon ang PCA na humihiling kay President Rodrigo Duterte na dagdagan ng 5 porsiyento mula sa  2 porsiyento ang coconut oil component ng diesel, at para maipamahagi ang coconut processing facilities sa farmer cooperatives.

Sa ikalawang tatlong buwan ng 2018, nakapag-ani ang coconut-producing provinces sa Filipinas ng 3.33 milyong metrikong to­nelada ng niyog, 3.9 porsiyento na mataas kaysa sa nagdaang taon na 3.21 milyong metrikong tonelada na ani, ayon sa ipinakitang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang probinsiya ni Pangulong Duter­te na Davao ay ang pina­kamataas na coconut producing region ng bansa, na sinundan ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Southern Luzon (CALABARZON), ayon sa PSA.

Comments are closed.