DAAN-DAANG BABOY PINAGPAPATAY SA QC

BABOY-ASF

TINATAYANG umaabot sa 200 baboy na apektado ng African Swine Fever (ASF) ang isinailalim sa ‘culling’ o pagpatay sa pamamagitan ng lethal injection sa Barangay Pasong Tamo kahapon October 3, Huwebes sa Quezon City.

Kasunod nito, pinagkalooban na ng ‘financial assistance’ na P3,000 kada baboy ang mga hog raiser sa nasabing barangay.

Napag-alamang may 400 pa ang inaasahang isasailalim sa ‘culling’ sa mga susunod na araw.

Nabatid na maliban sa Barangay Pasong Tamo at Roxas District, una nang naitala ang ASF sa Barangay Bagong Silangan, Payatas at Tatalon sa lungsod.

Kaalinsabay nito, sinabi ni Dra. Ana Cabel, City Health Officer, na walang dapat ipag-alala ang mga resi­dente sa lungsod sa paglalagyan ng mga pinatay na baboy dahil dumaan naman aniya ito sa tamang proseso at ibabaon sa ‘designated lots.’

Nilinaw ni Cabel na wala na umanong kaso ng ASF sa Payatas, Bagong Silangan at Tatalon kung kaya’t nakasentro na ngayon ang pagsubaybay sa mga babuyan sa Roxas district at Pasong Tamo.

Idinagdag pa ng City Health officer na patuloy ang monitoring at pag-iikot ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang barangay para matiyak na wala ng mga baboy pa ang tatamaan ng nasabing virus.