DAAN-DAANG BATA SA SLUM AREA BIBINYAGAN

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle-5

NAKATAKDANG binyagan ng Simbahang Katolika, sa pangunguna mismo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang daan-daang bata mula sa slum area ng Metro Manila.

Ang naturang aktibidad na bahagi ng Catholic outreach program ng Archdiocese of Manila at ng Tulay ng Kabataan (TNK) Foundation, ay nakatakdang isagawa sa Setyembre 28.

Makakatuwang ni Tagle ang may 11 pang paring Katoliko sa pagbibinyag sa aabot sa 450 kabataang mga dating mangangalakal,at nailigtas ng TNK Foundation mula sa mga lansangan.

Ayon sa TNK, bukod sa lantad na sa iba’t ibang pa­nganib at banta ang mga naturang kabataan, ay matagal na ring hindi nabibigyan ang mga ito ng Sakramento ng simbahan.

Iniisip umano kasi ng mga ito na mahal ang bayad sa pagtanggap ng sakramento, gayung libre lamang ito, at hindi rin nila alam kung paano at saan ito gagawin.

Nais umano ng Manila Archdiocese at ng TNK na matulungan ang mga natu­rang kabataan at matanggal na ang pag-iisip o nosyon na kinakailangan ng mga Katoliko na magbayad para sa sakramento, sa pamamagitan nang pagbibinyag sa mga naturang kabataan.

“When it is so difficult to bring our children close to God, it is, on the opposite, very easy to bring the Lord to them through the Sacraments,” ayon kay Fr. Matthieu Dauchez, na siyang Executive Director ng TNK Foundation.

Nabatid na ang TNK Foundation ay nagliligtas at kumukupkop  ng mga bata na nakatira sa mga lansa­ngan at nakatulong na sa mahigit 55,000 street children at young scavengers, sa nakalipas na 21-taon.

Tumutulong din sila sa mga matatandang inabandona na ng kanilang pamilya at naninirahan sa mga lansa­ngan.         ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.