DAAN-DAANG KILO NG KARNE NAKUMPISKA SA MAYNILA AT QUEZON CITY

BOTCHA

UMABOT sa 300 kilo ang hinihinalang bot­chang lechon at karne ng baboy ang nakum­piska sa isinagawang operasyon  ng Manila Veterinary Inspection Board,  sa dalawang ambulanteng nagtitinda sa kalsada ng Recto Avenue corner Ylaya Street sa Tondo, Maynila kahapon.

Naabutan na nakalagay sa lamesa ang mga lechon habang ang mga karne ng baboy naman ay nakabalot pa sa plastik. Ibinibenta ang lechon sa halagang P180 kada kilo, mas mura at half cooked lang ang pagkakaluto.

Naaresto ang isang tindero na si Domingo Boza pero nakatakas ang dalawa pang iba. Giit naman niya, hindi siya ang may-ari ng mga nakum­piska at pinagbabantay lamang. Hindi rin umano niya alam na ang mga karne ay double dead na.

Bukod sa murang ibi­nebenta, paalala ng Veterinary Inspection Board na tingnang mabuti ang mga binibiling karne kung ito ay maputla, may amoy, at malabsa na ayon sa kanila ay indikasyon na botcha ang karne.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines and the Food Safety Act of the Philippines si Boza.

Samantala, nakum­piska naman ng Quezon City Veterinary Office ang halos 70 kilo ng mishandled na karne ng baboy sa Commonwealth Market, Quezon City Martes din ganap na alas dos ng madaling araw.

Ayon kay City Ve­terinarian Dra. Ana Marie Cabel, ang mga mishandled meats o iyong mga imported frozen meats na hindi nakalagay sa freezer o chiller ay hindi ligtas ibenta sa mga pamilihan.

“Kasi kapag frozen meat, dapat nasa freezer lang, nasa chiller,” paliwanag pa niya na nakasaad sa Meat Inspection Code.

Posibleng makaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang sinumang makakakain ng botcha o mishandled na karne.

Sinabi ng Quezon City Veterinary office, patuloy silang mag-iinspeksiyon sa mga pamilihan lalo pa at mabili ang karne ngayong ‘’ber’’ months para masigurong ligtas ang mga nabibiling karne.

Ibinaon na sa Manila Veterinary Inspection Board disposal pit ang mga nakumpiskang double dead na karne ng baboy at lechon.

Comments are closed.