DAAN-DAANG LOLO AT LOLA BINIGYAN NG BAKUNA SA PNEUMONIA AT TRANGKASO

UMABOT  sa 103 senior citizen ang nabigyan ng kombinasyon ng pneumococcal at flu vaccine bago magpasko sa Barangay Commonwealth at Barangay Silangan sa lungsod Quezon.

Ang naturang pinakahuling vaccination drive ay isinagawa ng tanggapan ni Councilor Julienne Alyson Rae Medalla ng Quezon City,District 2.

Ipinaliwanag ni Medalla na isinagawa ang naturang Senior Citizen Vaccination Drive upang patuloy na mapangalagaan ang kalusugan ng mga may edad na mamamayan ng Quezon City.

Naitala sa Quezon City kamakailan ang tumaas na bilang ng mga kaso ng Covid 19. Kadalasang nagiging sanhi ng kamatayan lalo na ng mga senior citizen ang pneumonia na komplikasyon ng Covid 19, dahil mahina na ang resistensya ng mga ito sa naturang karamdaman.

103 ang nabigyan ng pneumococcal vaccine at 199 naman ng flu vaccine sa ginanap na Senior Citizen Vaccination Drive sa Brgy. Commonwealth at Brgy. Bagong Silangan.

Ang pneumococcal vaccine ay isang uri ng proteksyon laban sa bacteria ng pneumonia na nagdudulot ng infection sa baga ng isang pasyente. Ang bacteria nito ay nakapapanghawa sa ibang tao.Posible rin magsanhi ng blood infection mula sa pneumonia sa mas seryosong karamdaman na meningitis.

Bumibigay ang baga ng isang tao kapag hirap ng huminga na nagiging sanhi ng kamatayan.Samantalang ang influenza o flu vaccine naman ay isang uri ng bakuna upang protektahan ang isang tao mula sa malalang sintomas ng trangkaso na dulot ng isang virus. Ito ay madalas lumalaganap tuwing malamig ang panahon tulad ng Kapaskuhan.

Noong 2018 inaprubahan ng lungsod Quezon ang P12 milyon na alokasyon upang ma-subsidize at libreng makapagbakuna ang mahigit 375,000 na nakarehistrong senior citizen sa lungsod ng taong iyon. MA LUISA MACABUHAY-GARCIA