DAAN-DAANG pastor at simbahan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagkaisa sa panawagan kay dating Speaker Alan Peter Cayetano na tumakbo bilang pangulo sa nalalapit na halalan.
Sa isang bukas na liham kay Cayetano noong Setyembre 16, sinabi ng 588 na pastor, kasama ang 1,564 miyembro ng kanilang mga simbahan, na kay Cayetano nila nakikita ang isang lider na kayang hikayatin ang mga Pilipino na manalig sa kapangyarihan ng pananampalataya sa gitna ng iba’t ibang krisis.
“Sa pinakamadilim na oras ng ating bayan, kailangan natin ng isang lider na magdadala ng liwanag at pag-asa. Kailangan ng ating bayan ng isang lider na may takot sa Diyos – isang lider na naniniwala sa kapangyarihan ng pananampalataya at kakayahan nitong baguhin ang anumang sitwasyon,” sabi nila sa kanilang liham.
Ang mga pumirma ay galing sa 562 simbahan, at ang bilang nila ay inaasahan pang lalago habang umiikot ang liham sa iba pang mga simbahan sa buong bansa.
Ayon kay Pastor Raul Limpiado ng Catarman Temple of Praise International sa Catarman, Samar, kailangan ng bansa ng isang lider na may takot sa Diyos at gagawin ang Kanyang kalooban lalo na sa kasalukuyang panahon ng ligalig.
“Ang kailangan natin ay isang lider na naniniwala sa kapangyarihan ng pananampalataya at sa kakayahan nitong baguhin ang anumang sitwasyon,” sabi niya.
Sinabi kamakailan ni Cayetano na nais niyang magsulong ng isang faith-based, values-oriented, at Bible-centered na pamumuno sa paparating na eleksiyon.
Binanggit din niya na pinag-iisipan niyang tumakbo bilang pangulo sa 2022. Kasalukuyang nagkokonsulta ang dating Speaker sa kanyang pamilya at mga kaibigan tungkol sa kanyang plano sa 2022, ayon sa isang panayam.
Dagdag pa ni Limpiado, naniniwala siyang ang pamumunong nakabatay sa pananampalataya sa ilalim ni Cayetano ay kayang pag-isahin ang bayan.
“Ang faith-based leadership ay nakabase sa pananampalataya sa Diyos anuman ang ating relihiyon.
Maraming relihiyon sa Pilipinas at naniniwala kami na si Cayetano, bilang isang public servant sa loob ng ilang dekada, ay kayang pag-isahin ang mga ito,” aniya.
Ayon kay Limpiado, kasama sa mga bunga ng faith-based leadership ni Cayetano ang paglikha niya ng mga programang nagbibigay pag-asa sa mga Pilipinong lubhang naapektuhan ng pandemya.
Kasama sa mga programang ito ang Sampung Libong Pag-Asa at Sari-Saring Pag-Asa na kapwa nakapagpaabot ng ayuda at tulong pinansiyal sa libo-libong maralita at sari-sari store owners mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagmula ang programang Sampung Libong Pag-Asa sa adbokasiya ng 10K Ayuda Bill na inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado noong Pebrero 2021. Nais ng panukalang batas na mamahagi ng P10,000 sa bawat pamilyang matinding tinamaan ng pandemya.
Pinuri naman ng mga pastor at religious leader si Cayetano dahil sa pagbuo niya ng mga programa na nagbibigay ng pag-asa sa mga Pilipinong lubos na naapektuhan ng pandemyang COVID-19.
“Higit sa husay at talino, kailangan natin ng isang lider na may puso at malasakit sa kapwa at handang harapin ang mga pagsubok ng may pang-unawa at pagmamahal. Kagalang-galang na dating Speaker Cayetano, naniniwala kami na ikaw ang lider na hinahanap ng ating bayan,” sabi ng mga pastor sa kanilang liham.
Sinigurado naman ng mga pastor at religious leaders kay Cayetano na patuloy nilang susuportahan ito at ang kanyang mga adbokasiya.
“Makaaasa kayo sa aming pagsuporta sa iyo at sa iyong mga adhikain,” anila.
Magaganap ang filing of candidacy para sa lahat ng pambansa at lokal na posisyon sa Oktubre 1-8, 2021.
488885 687562I favored than you might be right now. 339329