DAAN NG TUWA: ANG PAKIKILAKBAY KASAMA SINA JESUS, MARIA, AT JOSE

TINIG NG PASTOL2

(Ikatlong Bahagi)

VII. Ang Pagsilang ni Hesus (Lc 2: 7)

Pagbasa

Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Pagninilay

Kabuwanan na noon ng pagdadalantao ni Maria at anumang oras ay magluluwal na siya ng sanggol. Dahil sa liit ng bayan ng Bethlehem at dami ng taong dumayo roon, hirap makahanap ng matutuluyan ang mag-asawa. Dumating na ang inaasahan nilang dalawa, humilab na ang tiyan ni Maria at ito ang hudyat na siya ay malapit nang manganak. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, walang sinuman ang nagmagandang-loob na ialok ang kanilang bahay upang matuluyan nina Maria at Jose at tanging ang kulungan ng mga hayop ang kanilang pansamantalang naging silungan. Sa abang kalagayang ito isinilang ang Manunubos. Ganito kainit na sinalubong ng sangkatauhan ang Anak ng Diyos at sa ganito ring kalagayan ipinadama sa atin ang kahandaaang mahalin tayo ng Diyos.

Panalangin

Panginoong Hesus, kami ay nagagalak sa Iyong pagdating. Kami ay nagpapasalamat sa hindi matatawarang pag-aalay ng sarili ng Iyong mga magulang na sina Jose at Maria matupad lamang ang plano at pangako ng Diyos na kaligtasan ng sangkatauhan. Ngayong sisimulan Mo na ang buhay dito sa lupa, kami nawa ay matuto sa Iyong mga halimbawa at mula rin dito kami ay makapagsimula. Amen.

VIII. Ang Pagpapahayag ng Pagsilang ng Manunubos sa mga Pastol (Lc 2: 8-12)

Pagbasa

Noon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon.  Tumayo sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

Pagninilay

Ang mga pastol sa kabukiran ang tanging gising noong mga oras na isinilang si Hesus. Sila ay matiyagang nagbabantay ng kanilang mga tupa at sa pagkakataong iyon, sila ang unang nakabatid ng pinakamahalagang balita na ang Manunubos ay narito na sa ating piling. Ganito niloob ng Diyos na ipahayag ang pagsilang ni Hesus, ipinadala Niya ang Kanyang mga anghel sa mga aba tulad ng mga pastol at hindi sa mga may kapangyarihan at mayayaman at ibinahagi sa kanila ang Kanyang kagalakan. Ang awit ng mga anghel ay awit ng pagsasaya dahil ang Diyos ay tumatalima sa pangangailangan ng Kanyang mga anak. Ang pagdating ni Hesus ay sagot ng Diyos sa panalangin at panaghoy ng sangkatauhang sadlak sa pagkaalipin at kasalanan.

Panalangin

Panginoong Hesus, nagpapasalamat kami sa Iyong malasakit at pagtangkilik. Hindi man kami karapat-dapat na mahalin at pahalagahan, nanatiling Kang totoo sa Iyong pagtupad sa pangako ng Ama. Tulad ng mga pastol, ang mga tinaguriang aba sa lahat ng hanapbuhay noon, kami nawa ay mabigyang pansin na maturuan at maalalayan sa paggawa ng kabutihan patungo sa landas ng kabanalan. Amen.

IX. Ang Pagdalaw ng mga Pastol sa Sabsaban (Lc 2: 15-16, 20)

Pagbasa

Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

Pagninilay

Dinalaw ng mga pastol ang kinaroroonan ng Banal na Mag-anak ayon sa ibinalita ng anghel. Nakita nila si Hesus na nakabalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban at nagdulot ito sa kanila ng kagalakan. Pinatunayan ng tagpong ito na ang sanggol na si Hesus ang pinakahihintay ng sangkatauhan, ang magkakaloob ng tunay na kaligayahan, kaligtasan at kaganapan ng buhay. Hindi man pantas na maituturing ang mga pastol, subalit nagbigay ng kaliwanagan ang kanilang nasaksihan upang maunawaan ang kanilang narinig at patuloy na papurihan ang Diyos sa kanilang nakita.

Panalangin

Panginoong Hesus, ipinapanalangin namin na kami ay matulad sa mga pastol na handang tumalima sa pagtugon sa Mabuting Balita. Pagkalooban Mo kami ng lakas ng loob na manindigan at magkaroon ng kasigasigan sa aming pananampalataya at lalong magtiwala sa Iyong turo at halimbawa sa bawat sandali ng aming buhay. Amen.

(Itutuloy…)

Comments are closed.