DAAN PATUNGO SA MULING PAGBANGON NG LOKAL NA TURISMO

JOE_S_TAKE

ISA ang industriya ng turismo sa nakaranas ng pinakamatinding epekto ng pandemyang COVID-19. Napilitang huminto sa operasyon ang industriya – pansamantalang isinara ang mga paliparan, mga terminal, at mga daungan; pinahinto ang operasyon ng mga provincial bus at ng mga eroplano. Maging ang mga hotel ay huminto rin sa operasyon. Literal na huminto ang paggalaw ng industriya. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang industriya ng turismo ay isa sa mga industriyang may pinakamalaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa. Bilyon-bilyong pisong halaga ng potensyal na kita ang nawala sa bansa bilang resulta ng pandemya noong nakaraang taon.

Ayon sa datos ng Department of Tourism (DOT), ang pumasok na pera sa bansa noong nakaraang taon mula sa lokal na turismo ay nasa P81.40 bilyon lamang. Ito ay lubhang napakababa kung ikukumpara sa P482.16 bilyon na kinita ng bansa noong 2019.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo 2021, ang kontribusyon ng turismo sa ekonomiya noong nakaraang taon ang naitalang pinakamababang kontribusyon nito sa loob ng dalawang dekada. Noong 2019, bago pinaralisa ng COVID-19 ang ekonomiya ng buong mundo, ang kontribusyon ng industriya ng turismo sa GDP ng Filipinas ay nasa 12.8%. Ito ay bumagsak sa 5.4% noong nakaraang taon.

Kasabay ng bahagyang pagbuti ng sitwasyon sa ating bansa bilang resulta ng pamamahagi ng bakuna sa bansa, pinagsusumikapan ng DOT na muling buksan ang turismo sa bansa. Naglagay ng bagong sistema kung saan masisiguro rin ang kaligtasan ng mga turista.

Malaking tulong din ang Safety Seal Certification Programme ng Department of Labor and Employment (DOLE). Layunin ng programa ang mabigyan ng kapanatagan ng kalooban ang mga konsyumer habang unti-unting binubuksan ang ekonomiya. Ayon sa Labor Regional Director ng DOLE, ito ay ibinibigay sa mga establisimiyentong sumusunod sa minimum public health standards. Ang nasabing Safety Seal ay may bisa ng anim na buwan mula sa petsa ng pagkakagawad nito. Malaking bagay kung ang mga establisimiyento sa mga lugar na dinadayo ng mga turista ay makakakuha ng Safety Seal bilang bahagi ng pagbubukas ng kanilang lugar sa turismo.

Noong ika-4 ng Hulyo, inanunsiyo rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang ukol sa pagpapatupad ng IATF resolution 124-B. Sa ilalim ng nasabing resolusyon, binibigyang pahintulot ang mga indibidwal na may kumpletong bakuna kontra COVID-19 na bumiyahe papunta at palabas ng ibang probinsya nang hindi nagsusumite ng negatibong resulta ng reverse transmission polymerase chain reaction (RT-PCR).

Bagama’t tiyak na malaking tulong ito sa turismo, marami naman ang umalma patungkol sa nasabing resolusyon. Bilang tugon ng Department of Health (DOH) sa usapin, inanunsiyo nito na ipatutupad pa rin ang IATF Resolution 101, ang resolusyon na nagsasabing kailangang magsumite ng negatibong resulta ng RT-PCR test ang sinumang bibiyahe papasok sa isang lokalidad. Ito ay pansamantala lamang habang inaayos pa ang nasabing usapin. Binibigyan ng DOH ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magdesisyon kung pagsusumitehin ng negatibong resulta ng RT-PCR ang mga indibidwal na pumapasok sa kanilang lugar.

Kaugnay ng usapin, ang lokal na pamahalaan ng Baguio ay nag-anunsiyo na maaaring dumayo sa kanilang lugar ang mga indibidwal na may kumpletong bakuna kahit hindi ito sumailalim sa RT-PCR testing. Kailangan lamang ipakita ang lehitimong vaccination card ng mga ito. Kailangan lamang daw ay nakalipas na ang dalawang linggo mula nang nakuha nito ang ikalawang dosis ng bakuna.

Iba naman ang diskarte ng isa pang destinasyon na madalas pinupuntahan ng mga dayuhan – ang isla ng Boracay. Kaugnay ng pahayag ng DOH, inanunsiyo nito na mananatiling bahagi ng mga dokumentong kailangang isumite bago makapasok sa Boracay ang negatibong resulta sa RT-PCR testing. Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, nais nilang mag-ingat dahil sa isyu ng mga pekeng vaccination card. Ito ay kanyang ipinahayag kaugnay ng kaso ng pamemeke ng resulta ng swab test na nadiskubre ng lokal na pamahalaan ng Malay sa Iloilo City noong Oktubre 2020. Ito ay nagresulta sa pagpataw ng persona non-grata sa 122 na turista na patungo sana sa isla ng Boracay.

Nakagagaan sa loob malaman na bagaman kailangang buksan ang lokal na turismo ng bansa, numero uno pa rin sa inaalala ng mga lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mga turista.

Ayon sa DOT, upang mas mahikayat ang mga turista na muling bumiyahe, ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ay nag-aalok ng RT-PCR testing sa halagang P750 lamang. Ito ay naging posible dahil sa pirmahan sa pagitan ng PCMC at ng DOT. Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng subsidy program ang DOT na nagkakahalagang P8.7 milyon, sa tulong ng Tourism Promotions Board (TPB).

Ang nasabing subsidy program sa pagitan ng PCMC at ng DOT ay iba pa sa subsidy program sa pagitan ng DOT at ng Philippine General Hospital na may alokasyon na nagkakahalagang P10 milyon. Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ito ay bahagi ng kanilang kampanyang Safe Bangon Turismo na naglalayong tugunan ang industriya ng turismo sa bansa.

Isang magandang balita naman para sa industriya ng turismo ang pagkamit ng isla ng Boracay ng Safe Travels Stamp mula sa World Travel and Tourism Council (WTTC). Batid ng WTTC na maayos ang pagpapatupad ng mga panuntunang pangkaligtasan at pangkalusugan sa isla sa gitna ng pandemyang COVID-19. Mismong si Secretary Puyat ang nanguna sa pagbibigay ng Safe Travels Stamp sa lokal na pamahalaan ng Malay. Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakatanggap ng Safe Travels Stamp ang sikat na destinasyon sa bansa. Noong Abril 2021, nauna nang nagawaran nito ang Summer Capital ng bansa, ang Baguio.

Ang WTTC Safe Travels Stamp ay ang unang safety and hygiene stamp na inilunsad sa buong mundo. Kinikilala nito ang mga pamahalaan at mga negosyong sumusunod ng maayos sa mga global health standardized protocol ngayong panahon ng pandemya.

Nawa’y madagdagan pa ang mga destinasyon sa bansa na mabibigyan ng Safe Travels Stamp. Malaking tulong din kung magiging prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng bakuna sa mga indibidwal na nagtatrabaho sa industriya ng turismo.

Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor, kasabay ng pakikiisa ng mga mamamayan, mas mapabibilis at mas mapadadali ang muling pagbubukas ng lokal na turismo. Ang muling pagbangon ng turismo ay tiyak na muling magbubukas ng trabaho para sa mga indibidwal na nawalan ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemya. Matutugunan nito ang pagtaas ng antas ng may trabaho sa bansa at tiyak na magiging malaking tulong din ito sa muling pag-angat ng ating ekonomiya.

One thought on “DAAN PATUNGO SA MULING PAGBANGON NG LOKAL NA TURISMO”

  1. 802475 521109Cause thats required valuable affiliate business rules to get you started on participating in circumstances appropriate for your incredible web-based business concern. Inernet marketing 771152

Comments are closed.