DAANG BARIL, GRANADA, EXPLOSIVES NAKUMPISKA

QUEZON-DAAN- daang mga baril, granada at iba’t- ibang uri ng explosives ang nakumpiska ng mga ope­ratiba ng Criminal Investigation and Detection Group at Tiaong police force sa isang eksklusibong compound kahapon sa Barangay Anastacia ng bayang ito.

Sa pahayag ni Lt.Col. Ariel Huesca, provincial officer ng CIDG Quezon, sumailalim sa isang buwan surveillance ang nasabing compound na pag- aari ng pamilya Herrera at may posibildad umano na ginagamit ang narekober na mga sandata sa gunrunning activities at gun for hire sa buong Timog Katagalugan.

Ang mga suspek na hinahinan ng search warrant mula sa korte ay nakilalang sina Rinzeta Herrera, 58-anyos at ang mga anak nito na sina John Arnold Herrera, Von Vincent at Vicente Herrera, pawang mga nasa hustong gulang.

Kabilang sa mga armas na nasamsam ay mga cal 45, 9mm pistol,, . 357, armalite, shotgun, machine gun at garand.

Ang nasabing compound ay napapalibutan ng pader na may 15 feet ang taas at steel gate kung kaya’t minabuti ng mga awtoridad na i-serve ang warrant ng umagang- umaga para hindi umano delikado kung sakaling may manlaban sa mga suspek.

Ayon pa kay Huesca ang ganitong bodega ng mga armas ay posibleng matagal ng nag-o-operate at maaari rin mga gun for hire syndicate na nagsasagawa ng krimen sa Calabarzon at Metro Manila ang isa sa nagmamay- ari nito.

Itinanggi naman ng mga nahuling suspek na sa kanila ang mga bulto ng baril na nakumpiska subalit hindi rin nila masabi kung sino ang may- ari at kung bakit sila ang nadatnan sa nasabing compound. ARMAN CAMBE