DAANG PAMILYA NANUMPA SA PISKALYA VS MGA AKUSADO SA DENGVAXIA

Dengvaxia

PORMAL nang nanumpa at nagsumite ng mga salaysay ang may 100 complainants na pawang namatayan ng mga anak dulot ng Dengvaxia vaccine sa Que­zon City Prosecutor’s Office.

Pinangunahan ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pag-asiste sa mga pamilyang naghahanap ng hustisya para mapanagot ang mga nasa likod ng Dengvaxia.

Bitbit ng mga tauhan ng PAO ang kahon kahong mga dokumento mula sa dalawang closed van kung saan inaasahang sa araw ng Miyerkoles ay dadalhin naman sa Department of Justice (DOJ) para pormal na isampa ang mga reklamo.

Sa ginanap na press conference, inisa- isa ni Acosta ang mga isinampang kaso kung saan nahaharap sa paglabag sa Anti-Torture Act, reckless imprudence resulting to multiple homicide at obstruction of justice ang mga pangunahing sangkot sa reklamo na kinabibilangan nina dating Health Secretary at ngayoy Iloilo Rep. Janette Garin, DOH Secretary Francisco Duque III, mga opisyales ng Sanofi Pasteur at Zuelig pharmaceuticals, ilang opisyal ng Research Institute for Tropical Medicines (RITM) at Food and Drug Administration (FDA).

Iginiit sa mga sinumpaang salaysay na walang naganap na blood test o screening bago iturok sa mga bata ang Dengvaxia vaccine noong 2016 base na rin sa nakapaloob na report mula sa Forensic Laboratory ng PAO.

Tiniyak naman ni Acosta na  handa ang PAO na ilaban ng kaso ng mga biktima sa kabila ng kakapusan ng pondo ng PAO at kumpiyansa itong kanilang mapapagtagumpayan ang kaso kasunod ng pagtatalaga kamakailan ng Supreme Court na ilagay na lamang sa tina-tawag na One Dengvaxia Family Court sa QC ang mga nasabing asunto.

Sa kasalukuyan, nakapaghain na ng P30,000 piyansa si Garin sa isang korte sa Iloilo City upang maiwasan ang ipinalabas na arrest warrant kamakailan na  mula sa Quezon City court. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.