(Daang pamilya nawalan ng bahay) SUNOG SA RESIDENTIAL AREA, P800K NAABO

Sunog

MAYNILA – TINATAYANG aabot sa P800,000 halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy sa isang residential area sa Quircada, Sta. Cruz.

Ayon kay Fire Sr/Supt Rodolfo Denaga, nasa 264 pamilya ang naapektuhan o nasa 100 bahay ang natupok ng apoy na nagsimula dakong alas-11:50 ng tanghali.

Isang fire volunteer na si John Rodrigo Tapa, 23, ang nilapatan ng lunas ng  Philippine Red Cross (PRC) matapos masugatan sa kamay.

Umabot naman sa 63 fire trucks at fire vo­lunteer ang rumesponde sa sunog na itinaas sa Task Force Bravo kung saan naukopahan ang bawat lane ng Rizal Avenue mula Tayuman hanggang Quiricada.

Ayon kay Delaga, nahirapan aniya ang mga bombero na pasukin ang lugar kung saan nasa looban ang bahay na  pinagmulan ng sunog dahil dikit-dikit ang mga bahay na gawa pa sa light materials at wala nang madaanan upang mapasok ng mga bombero.

Nilinaw naman  ni Denaga na tumagal bago maresponde kaya umabot sa Task Force Bravo ang sunog, aniya limang minuto lamang nang matanggap nila ang tawag at agad silang nagpunta ngunit sadyang napakakipot ng lugar at hindi mapasok ang bahay na pinagmulan ng sunog.

Nanawagan naman si Denaga sa mga residente at sa barangay sa pamumuno ni Chairman Dionisio Busalba na sakaling magpatayo muli ng kanilang  bahay ay  maglaan ng espasyo ng ilang metro upang sa gayon sa ganitong mga pangyayari ay hindi mahirapan ang mga bom­bero na pasukin ang lugar at hindi na lumaki pa ang sunog at umabot sa mataas na alarma.

Samantala, napasugod din si Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Chief  Arnel Angeles kasama ang Manila Social Welfare Development (MSWD) sa lugar upang magbigay ng ayuda sa mga nasunogang pamilya. PAUL ROLDAN

Comments are closed.