DADDY MANOLO

USAPING BABAE

ISANG tao lang ang talagang pumapasok sa aking isip tuwing panahon ng Undas. At ito ay ang aking Daddy Manolo na 23 taon nang pumanaw. Malapit din kasi ang kanyang kaarawan sa ika-uno ng Nobyembre. Kung nabubuhay pa siya ngayon, 66 na taon na sana siya at may 17 apo at padating na apo sa tuhod. At iyan ay mga apo niya lamang sa mommy ko.

Lagi kong naiisip na kung hindi siguro maagang lumisan ang tatay ko sa edad na 42, maaaring hindi ako agad nakapag-asawa. Kahit sa hiwalay pa sila ng mommy ko noon, isa siyang malaking impluwensiya sa aking pagkatao at mga desisyon sa buhay.

Halimbawa na lamang ay ang pagpupunyagi upang maging pinakamagaling sa kahit ano mang aking gawin. Hindi ko makalilimutan na pipirma lang sa test paper ko ang Daddy ko kung hindi aabot sa lima ang aking mali sa eksam.

Kay Daddy ko rin natutuhan ang pagiging masinop sa pagkain. Sa aming bahay, bawal ang may tira kahit isang mumo ng kanin. Bawat isang butil ng kanin na matira sa iyong plato ay isang palo sa puwit ang katumbas.

At siyempre, pangunahing pangaral ng tatay ko ang paggalang sa nakatatanda sa iyo. Kailangan ay marunong kang mag-opo at huwag kalilimutang magmano. Kapag nag-aaway kami ng mga kapatid ko, lagi akong lamang bilang panganay dahil ang kabilin-bilinan ng tatay ko ay hindi puwedeng lumaban sa matanda ang bata kahit pa patayin siya nito.

Totoong maraming pagkukulang ang ­aking daddy sa aming mga anak niya at sa aking mommy. Pero hindi maitatangging labis din ang pagmamahal niya sa amin. Gaya ng maraming amang kakilala ko na nakahiwalay rin sa kanilang mga anak, nadama ko ang pangungulila ng aking Daddy sa amin tuwing sa magkikita kami.

Isang malaking puwang sa dibdib ko ang pagkawala ng Daddy ko. Sa kanya ako tumatawag tuwing manganganak ako at ang kapiling lamang sa loob ng operating room ay puro mga estranghero. Kapag may problema ako sa aking mga relasyon, lagi kong naiisip na sana ay nandito ang tatay ko upang panigan ako.

Gayong alam ko ang mga kasalanan ng tatay ko, nahugasan na ito ng lumipas na panahon at magandang mga alaala. Ang naiwan na lamang ngayon ay ang kanyang pagmamahal at mga pa­ngaral. Mahal na mahal kita, Daddy.

Comments are closed.