DAHIL sa dumaraming bilang ng biktima ng sakit na leptospirosis sa buong bansa, sa bayan ng Rosario, Cavite may isang barangay ang nagsasagawa ng panghuhuli sa mga daga kapalit ng bigas.
Isang malaking daga, kapalit ng isang kilong bigas.
Hangad ng proyektong ito na maibsan at tuluyang mapuksa ang mga pesteng ihi ng daga na nagdudulot ng sakit na leptospirosis.
Sa datos ng Brgy. Health Dept. ng Brgy. Silangan 1, umabot na sa dalawa katao ang naging biktima ng sakit na ito, na naging dahilan ng kamatayan. Kaya kaagad umaksiyon ang pamunuan ng Brgy. Silangan 1 ng bayang ito.
“Sa paraang ito, malaki ang maitutulong nito sa amin. Tunay namang peste ang mga daga. Sumisira ng kung ano-anong gamit sa bahay.
Dagdag pa nito, ang masangsang na amoy ng dumi na nagkalat saan mang sulok ng bahay. At ‘yang ihi ng daga ang lubos na kinakatakutan namin. Kaya upang higit na magsipag na manghuli ng daga ang mga residente namin ay papalitan namin ito ng bigas, mas maraming daga ang mahuli mas maraming bigas ang maiuuwi nila,” wika ni Brgy. Capt. Jonjon Cupino.
“Ang leptospirosis ay isang seryosong sakit, ngunit ito ay maaaring maiwasan at maagapan kung kaagad magagamot. Dahil napakaraming daga kahit saan, tuwing bumabaha ay maaaring sumama rin sa tubig baha ang bacteria na galing sa daga. Ito rin ang dahilan kung kaya hindi kagulat-gulat na ang panahon ng tag-ulan ay siya ring panahon ng leptospirosis,” paglalahad ni Dr. Noriel Emelo, Municipal Doctor.
“Ang ihi ng mga daga na humahalo sa tubig-baha ang siyang may dala ng mga mikrobyo na maaaring makapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng mga sugat sa paa, binti, tuhod o anumang bahagi ng katawan na nabasa o nalublob sa tubig-baha,” dagdag pa ni Emelo.
Ikinatuwa naman ng mga residente ang hakbang na ito. “Bonus na lamang talaga itong pagbibigay ng bigas. Sa aming bahay lagi kaming may nakaabang na panghuli ng daga. Perwisyo naman talaga, lahat sinisira. Malaking tulong sa amin ang hakbangin na ito. Nakatulong ka na sa problema ng bayan, nagkabigas ka pa,” reaksiyon ni Rhea Arcita, residente ng barangay.
Pinuri naman ng lokal na pamahalaan ang hakbangin na ito ng barangay na tiyak ding ibabahagi sa iba pang karatig barangay.
Sa katatapos lamang na malawakang pagbaha dulot ng bagyong Josie, inaasahang aakyat ang kaso ng LEPTOSPIROSIS. SID LUNA SAMANIEGO
Comments are closed.