CAGAYAN VALLEY- IPINAHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang Field Office (FO) sa lalawigang ito ay namahagi ng karagdagang family food packs (FFPs) at iba pang relief items sa iba’t ibang munisipalidad.
Maliban sa mga naka-preposition na family food packs at iba pang relief goods sa 93 local government units (LGUs) sa Cagayan Valley, namahagi ang mga tauhan ng DSWD ng 400 food packs at non-food items (NFIs) sa munisipalidad ng Claveria; 500 sa Sta. Praxedes; 300 sa Sanchez Mira; 300 sa Alcala; at 500 kalakal sa Lallo.
Mayroon ding 600 Food packs at 1,000 bottled water ang naipamahagi rin sa munisipyo ng Aparri habang karagdagang 500 food packs at 1,000 bottled water ang agad na ipinadala sa mga bayan ng Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan.
Ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P10,000 sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD ay ipinaabot din sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ng bagyo.
Kamakailan ay inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response and Management Team (DRMG) na magpadala ng kabuuang 17,000 family food packs sa apat na bodega ng DSWD sa Cagayan Valley Region.
Nabatid sa pinakahuling ulat, namahagi ang DSWD field office ng mahigit P 6.65 milyon sa 9,160 na pamilya o 29,639 indibidwal na naitalang apektado sa 49 na munisipalidad sa Region 2.
EVELYN GARCIA