NAGBABADYA ang mixed movements sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay tinatayang bababa ng P0.20 hanggang P0.45 kada litro.
Posible namang tumaas ang presyo ng kada litro ng diesel ng P0.20 o bumaba ng P0.10, habang ang presyo ng kerosene ay inaasahang may bawas na P0.10 hanggang P0.20 kada litro.
“Oil prices rallied as OPEC remains optimistic on oil demand growth despite economic and geopolitical uncertainties,” sabi ni Romero.
“This is further complemented by China’s clarification on its stimulus program to bolster growth in its struggling economy and US inventory draw,” aniya.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, May 14, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P2.00, diesel ng P0.50, at kerosene ng P0.85.
Hanggang noong Mayo 14, 2024, ang year-to-date adjustments ng gasolina at diesel ay nagtala ng pagtaas na P7.25 at P4.20 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
May net decrease naman ang kerosene ng P1.65 kada litro.
LIZA SORIANO