DAGDAG-BENEPISYO SA PDEA PERSONNEL

Rep Alan Peter Cayetano

NANGAKO si Speaker Alan Peter Cayetano na bibigyang prayoridad niya ang pag-apruba sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng iba’t ibang benepisyo ang mga opisyal at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng 17th anniversary ng nasabing ahensiya, tiniyak ng pinuno ng lower house na iaangat niya ang estado ng PDEA drug enforcers partikular ang pagkakaroon nila ng mga benepisyo na kung hindi man kapantay ay hindi naman umano nalalayo sa mga miyembro ng iba pang law enforcement agencies.

“Let me assure you that the Congress of the Philippines is behind you and we will do everything possible, and we ask for closer coordination,” ang pahayag pa ni Cayetano.

Nauna rito, inihain ni 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panukalang batas para sa pagbuo ng “Magna Carta for Drug Enforcement Officers and Other Personnel of the Philippine Drug Enforcement Agency”.

Nakapaloob dito ang pagtanggap ng PDEA men ng P2,000 monthly Personnel Economic Relief Allowance (PERA); clothing allowance na P5,000; P1,500 uniform allowance; hazard pay na katumbas ng 30% ng kanilang basic salary monthly salary; combat pay na katumbas ng 25% ng kanilang basic monthly salary; gayundin ang pagkakaroon ng representation and transportation allow-ances; longevity pay; at special counsel allowance na mula P1,250 hanggang P4,000 kada buwan.

Aminado naman si Cayetano na maaaring dumaan sa ilang kaukulang proseso bago ganap na maipatupad ang nasabing panukala kung kaya hinimok niya ang PDEA na humanap ng ibang pa­raan, kabilang ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor para sa kapakinabangan ng kanilang mga opisyal at tauhan.

“Yung dagdag na sweldo (higher salaries) is not the only way. We can work together to help our law enforcers including PDEA personnel,” pagbibigay-diin niya.

Hindi umano kaila na sa araw-araw na pagganap ng kanilang tungkulin, ang PDEA agents ay nahaharap sa peligro at nakataya ang kaligtasan ng kanilang buhay sa bawat anti-drug operations.

Gaya ng ibang  sibil­yan, may pagkakataon din na nangangailangan ng serbisyong-medikal ang PDEA personnel, kaya naman kahanga-hanga at umaasa siyang susundan ng iba pang nasa private sector ang ginawang pagkakaloob ng Chinese General Hospital, sa pamamagitan ng president/CEO nito na si James Dy, ng libreng medical services sa PDEA operatives na magtatamo ng anumang sugat o pinsala sa kanilang katawan habang naka-duty. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.