HINDI inaalis ng Department of Finance (DOF) ang posibilidad na madagdagan pa ang unconditional cash aid para sa mga mahihirap na pamilya sa bansa sa gitna na rin ng patuloy na pagsipa ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Ayon kay Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, kung kakailanganin na taasan pa ang P200 kada buwan na cash aid ay handa silang muling pag-aralan ang benepisyong ito.
Sa kasalukuyan ay nasa P200 kada buwan ang cash aid o katumbas ng P2,400 kada taon para sa bawat pamilya, bukod pa sa conditional grants na iniuugnay sa pagpapanatiling nag-aaral ang mga anak na kasama sa programa.
“Kung kulang ito, puwede naman natin balikan. Handa naman kaming tulungan ang mga mahihirap. Kung kailangan ng tulong, puwede nating balikan at idagdag kung kailangan,” ani Chua.
Kasabay nito ay prayoridad din ng ahensiya na pababain ang presyo ng bigas, gayundin ang pagkakaloob ng subsidiya sa produktong petrolyo para sa mga pampublikong sasakyan. DESTINY REYES
Comments are closed.