SINUPORTAHAN ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang panukala na naglalayong hatiin ang ikalawang distrito ng probinsiya ng Rizal sa tatlong distrito at gawing siyudad ang munisipalidad ng Calaca sa lalawigan naman ng Batangas.
Sa sponsorship speech ni Tolentino sa Committee Report no. 152 para sa House Bill no. 6222 at Senate Bill no 1826, binigyang diin nito na matagal nang kulang ang representasyon ng mga taga Rizal, sa kabila ng patuloy na paglago ng ekonomiya ng probinsiya at patuloy ding pag-taas ng populasyon sa lugar.
Layon ng panukala na hatiin ang ikalawang distrito ng Rizal sa tatlong distrito, sa ilalim nito mananatili sa ikalawang distrito ang mga bayan ng Cardona, Baras, Tanay, Morong, Jala-jala, Pililia at Teresa.
Gagawin namang ikatlong distrito ang bayan ng San Mateo, habang ang bayan ng ng Rodriguez ang magiging ika-apat ng legislative district.
Naniniwala si Tolentino na ang hakbang na ito ay magdudulot ng maayos na representasyon, mas mabilis at epektibong pagtugon sa pan-gangailangan ng mga taga Rizal at bubuo ng mas matibay at konkretong plano para sa pagbangon ng ekonomiya ng probinsiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Ani Tolentino, suportado ng probinsiya ng Rizal ang kanyang panukala na noong 2019 ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 332, series of 2019 na nanawagan sa Kamara at Senado na magsumite ng mga panukala para sa redistricting ng ikalawang distrito ng Rizal sa tatlong distrito.
Kasabay nito, nagbigay rin ng kanyang sponsorship speech ang senador sa Committee Report no. 153 para sa House Bill no. 6598, at Senate bill no. 1737 at 1825 na naglalayon namang gawing component city ng Batangas ang munisipalidad ng Calaca na kikilalaning City of Calaca.
Ani Tolentino, naabot ng Calaca LGU ang lahat ng kailangang requirements sa ilalim ng Local Government Code na inamiyendahan sa ilalim naman ng Republic Act No.9009 para mai-convert sa isang component city ang isang munisipalidad.
Sa ilalim ng batas, kailangan umabot ng P100 milyon ang kita ng isang munisipalidad para mai-convert ito sa isang siyudad pero sa kaso ng Calaca nalagpasan pa umano nila ito dahil pumalo sa P164,961,000 ang kinita ng bayan.
Aabot din sa 105.49 sq. km ang kabuuang sukat ng land area ng Calaca, mas mataas kumpara sa 100 sq. km na nakasaad sa ilalim ng batas. VICKY CERVALES
Comments are closed.