MAY karagdagang kasong nakita ang Department of Justice laban sa mga sangkot sa kinasang anti-illegal drug operation ng Philippine National Police (PNP) sa pagsamsam ng mga ito sa 990 kilong shabu.
Makipagtulungan sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) ang Philippine National Police matapos ang case conference na isinagawa nitong Disyembre 15 kung saan tinalakay ang development sa kaso ng anti-illegal drugs operation na isinagawa noong Oktubre 2022 na humantong sa pagsamsam ng 990 kilong “shabu.”
Sa naturang conference, isang karagdagang reklamo ang lumitaw kasunod ng pagsisiyasat sa mga potensyal na anomalya at iregularidad na ginawa ng ilang indibidwal sa panahon ng operasyon.
Mandato ng naturang panel ang masusing pagsusuri sa karagdagang reklamo at ebidensya sa pagtukoy ng pagkakaroon ng kinakailangang patunay sa krimen at pagkaso matapos ang karagdagang ebidensyang isinumite na mas nagpapalinaw sa maaaring kaso na nasa ilalim ng detalyadong pagsusuri ng panel.
Ayon sa pahayag ng DOJ, “Ang prosesong ito ay kritikal upang tiyakin ang mga katotohanan at panagutin ang mga maaaring lumabag sa batas. Parehong inuulit ng DOJ at PNP ang kanilang hindi natitinag na pangako sa paglaban sa kalakalan ng ilegal na droga at kaugnay na mga aktibidad na kriminal. Ang pagtutulungan sa pagitan ng dalawang ahensyang ito sa kasong ito ay isang patunay ng kanilang kapasiyahan na itaguyod ang panuntunan ng batas.”
PAULA ANTOLIN