MAGDARAGDAG ng labor attaches si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mapangalagaan ang karapatan ng Filipino migrant workers.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople, ito ang inihayag ni Pangulong Marcos nang makaraharap ang Filipino community sa Brussels, Belgium nitong Lunes.
Bukod sa nasabing bansa, ang mga Pinoy mula sa Italy, United Kingdom, France, Germany, Finland, the Netherlands at Switzerland ay dumalo rin sa pulong sa Filcom.
“Next year may budget na tayo. Makakatulong na kami nang husto sa inyo. Magdadagdag kami ng mga office ng labor attaches natin. So, pag-aaralan natin sa Europe, kung saan kami pwedeng magdagdag,” ayon kay Ople.
Naglatag na rin ng mga inisyatibo ang pamahalaan upang matulungan ang mga OFW na nagnanais na manatili na lamang sa Pilipinas makaraang mangibang bansa.
“Pinagtitibay namin ngayon ‘yung mga agreements, sa kautusan ni President Marcos, gusto niya na iyong mga uuwi, na katulad ni’yo na matagal sa abroad, ‘yung mga gustong mag-invest, tuturuan natin. Ang partner natin ay Department of Trade and Industry at saka iyong Go Negosyo,” dagdag pa ng kalihim.
Sinabi pa ng DMW official na magkatutulong ang Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR) para magbigay ng oportunidad sa mga returning OFWs na papasok sa agriculture at agribusiness enterprises.
“Yung gusto namang mag-farming, mag-agribusiness, ‘yung may mga lupang nakatiwangwang, tutulungan naman kayo ng Department of Agriculture,” sinabi ni Ople.
“Yung mga walang lupa pero gustong magtanim din, bumalik sa pagsasaka, alam ni’yo, malaking bagay [ang] food security… Yung mga OFWs na babalik, doon sa mga lupa ng gobyernong nakatiwangwang, ay pwedeng ipagamit para kayo naman ay kumita,” dagdag pa ni Sec. Ople.
Tutulong din ang Department of Information of Communications Technology (DICT) para mabigyan ng kaalaman ang Filipino workers at maging competitive naman.
Ang DMW ay naitatag noong December 2021 at aprubado na ang 2023 budget subalit kailangan pa ng lagda ni PBBM para maipatupad na ang General Appropriations Act of 2023. EVELYN QUIROZ