DAGDAG ‘MALASAKIT’ OFFICERS IPADADALA NG GOBYERNO SA PH EMBASSIES

Senator Sonny Angara-4

MAS darami na ang social welfare attaches (SWAs) sa mga embahada at konsulado ng Filipinas na sisiguro sa kaligata-san at mangangalaga sa karapatan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Senador Sonny Angara, ito ay sa sandaling lagdaan na ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na naglalayong gawing permanente ang deployment ng mga naturang opisyal. Partikular na idedetal­ye ang mga ito sa mga bansa kung saan marami ang mga Filipinong manggagawa.

Sinabi ng senador  na napakalaki ng pangangailangan ng OFWs sa serbisyo ng SWAs dahil sila lamang ang mga akmang opis-yal na dapat lapitan ng Pinoy overseas workers sa mga panahong dumaranas sila ng krisis at iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa ibang bansa.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2017, lumalabas na 2.34 milyong Pinoy ang nangibang-bansa upang doon magtrabaho. Ang 20.7 porsyento o 484,000 sa mga ito ay mula sa Region 4A (Calabarzon). Sinasabing may kabuuang 10 milyong Filipino ang naninirahan at nagtratrabaho sa ibayong dagat.

Sa kabila ng napakalaking bilang ng OFWs, ikinalungkot ni Angara na pitong (7) SWAs lamang ng nakatalaga sa mga lugar na kinaroroonan ng mas nakararaming Pinoy. Kabilang rito ang Malaysia, Kuwait, Qatar, Hong Kong, Dubai, Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia.

Bagaman plano ng pamahalaan na magpadala ng SWAs sa Abu Dhabi, Jordan, Lebanon, Italy at South Korea ngayong taon, hindi sapat ang kanilang bilang upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng OFWs sa mga nasabing bansa, lalo na ang mga nakararanas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Binigyang-diin ni Angara na mayroon mang magaga­ling na abogadong nakatalaga sa mga embahada, hindi naman aniya makapagbibigay ng tulong sikolohikal ang mga ito sa OFWs.

“Kahit meron tayong magagaling na abogado sa mga embahada at batikang eksperto sa lokal na regulasyon, ang isang kakulan-gan ay yung magbibigay ng psychosocial care sa mga biktima ng trafficking at ng mga karahasan,” ani Angara.

Sa ilalim ng 2018 at 2019 national budget, kabuuang P90 milyon ang inilaan para sa Office of the Social Welfare Attaché.          VICKY CERVALES

Comments are closed.