MAGPAPAKALAT ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng karagdagang 615 unit ng bus upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga commuter sa mahabang holiday weekend ng Undas.
Sa isang public briefing nitong Martes, sinabi ni LTFRB Technical Division chief Joel Bolano na binuksan na ng ahensiya ang aplikasyon sa special permits para sa mga out-of-line na operasyon noong Oktubre 3.
“Nagkaroon ho tayo ng karagdagan na units. Ito po ay ilalabas daw ng board. May 256 application tayo nag-complement po sa 615 units additional doon po sa mga regular bus routes natin,” pahayag ni Bolano.
Ang mga karagdagang bus ay itatalaga sa mga lugar kung saan may inaasahang pagdagsa ng commuters sa paggunita ng All Saints’ Day o Undas holiday.
Ayon kay Bolano, ibibigay ang special permit para sa mga out-of-line operations sa Biyernes.
Magsasagawa rin ang ahensiya ng mga inspeksyon sa integrated terminal exchanges at magtatayo ng one-stop-shop help desk sa mga pangunahing terminal.
Makikipag-ugnayan din ang LTFRB sa iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), at iba pa para sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang paggunita ng Undas. EVELYN GARCIA