DAPAT nang aksiyunan ng Department of Transportation (DOTr) ang ilang panukala na nagsusulong para magkaroon ng panibago o dagdag na mga paliparan na lulutas sa air traffic at passenger congestions sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang binigyan-diin ni House Committee on Transportation Chairman at Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, na sinabing personal niyang sinusuportahan ang mga panawagan na kung hindi man tuluyang alisin ay ilipat na ang ibang domestic at international flights sa labas ng Metro Manila.
Aniya, dahil sa nararanasang bangungot ng bansa sa pagkakadausdos ng isang China passenger aircraft sa runway 06/24 ng NAIA noong Huwebes ng gabi, kailangan kumilos na ngayon ang DOTr para madaliin ang pagkakaroon ng mga alternatibong paliparan.
“Because of what happened (NAIA nightmare), it is imperative na they (DOTr) have to move heaven and earth na ma-implement ito the soonest possible time. You know, accidents happen, we do not foresee accidents to happen but siyempre, baka mamaya may mangyari na naman. So iwasan natin mangyari muli.” Ang pahayag ni Sarmiento na ang tinutukoy ang pagkakansela, pagkaantala at pag-divert sa maraming flights dahil sa dalawang araw na nakabalagbag sa NAIA runway ang Xiamen Airlines Boeing 737-800 plane.
Maaari umanong maging twin airports ng NAIA ang Clark International Airport, na sa ilalim ng Build Build Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte ay idi-develop para maging major international at domestic airport kung saan lalagyan din ito ng railway system sa pagitan ng Clark at Bulacan at susunod ay hanggang Metro Manila na.
Nabatid kay House Deputy Minority Leader at 2nd Dist. Makati City Rep. Luis Jose Angel Campos Jr. na nasa P2.74 billion ang budget ngayong taon ng DOTr para lalo pang mapaayos at mapabuti ang operasyon ng nasabing paliparan sa Pampanga.
Nabanggit din ni Sarmiento ang panukala na pagtatayo ng bagong paliparan sa Bulacan, sa pamamagitan ng public-private-partnership, partikular ang P700-B na proposal ni San Miguel Corporation (SMC) President Ramon Ang at inaprubahan na ito ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ang pagnanais ng SMC na “to build, operate, and maintain the new international “aerotropolis” ay sumasailaim ngayon sa evaluation ng DOTr kung saan inaasahan itong isasalang sa Swiss challenge at ang magiging pinal na concession agreement ay kailangang aprubahan ni Pangulong Duterte at NEDA board chairman.
Naunang inihayag ni SMC President Ang na kung titignan ang kanilang balance sheet at cash flow, ay kaya nilang pondohan at mag-isang ipatayo ang 1,168 hectares na airport sa Bulakan, Bulacan at ang city complex nito na nasa 2,500-hectare area.
“We are confident that the airport will be good for our country and will bring in at least 20 million foreign tourists. With that I think it will create mil-lions of jobs for Filipinos,” dagdag pa niya.
DOTr OFFICIALS IPATATAWAG SA KAMARA
NAKATAKDANG magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Transportation, na pinamumunuan ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento kaugnay sa nangyaring pagsadsad ng Xiamen Airlines plane sa runway ng NAIA kamakailan at pangunahing isasalang sa ‘hot seat’ ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr).
Nakulangan ang mambabatas sa naging aksiyon ng DOTr kaugnay ng nasabing trahedya, na nakaapekto maging sa economic activities ng bansa dahil maraming biyahe ang nakansela, na-delay at na-divert sa ibang paliparan sa labas ng Metro Manila.
“It was a nightmare ‘yong nangyari diyan sa NAIA, dahil nagbigay po ng maraming abala, problema. Even sa economy ng ating bansa, apektado.
This could have been prevented kung ang NAIA and other airports authorities, particularly the DOTr, could have anticipated this particular incident,” pahayag ng solon.
SANGLEY POINT AIRPORT
Sa ilalim ng ‘government-to-government agreement’, nais naman ng Cavite provincial government na i-develop nito ang former American airbase na Sangley Point Airport upang makatulong din sa pagpapaluwag ng NAIA.
Kaya naman, iginiit ng Catanduanes solon na pawang nasa ‘pipeline’ na ang mga proyekto na layuning huwag lamang nakadepende sa NAIA ang iba’t ibang commercial flights na papasok at papalabas ng Metro Manila gayundin ng malaking bahagi ng Luzon at nangangailangan na lamang ito ng kaukulang aksiyon ng DOTr.
“Ang capacity ng NAIA is 31 million passengers. And then 2 years ago or last year, it’s already 42 million. Next year magiging 47 million.
In short ‘yong capacity ng NAIA talagang evidently masikip na,” paalaala pa ni Sarmiento. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.